Tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang mga Santo ang silang mga taong lumakad ng tuwid na naaayon sa Diyos; sila ay tinuturing natin na ating mga kapatid kay Cristo. Kung gayon, tayo ay humihingi palagi ng kanilang pakikipamagitan para madala ang ating mga panalangin sa Diyos. Bagamat matagal na itong gawain ng mga sinaunang mga Kristiyano (at patuloy na ginagawa ng mga kapatid natin na kabilang sa Eastern Orthodox), ang gawaing ito ay tinutuligsa ng ating mga kapatid na Protestante.
Bakit hindi diretso sa Diyos?
Ang ilan sa mga paratang nila ay bakit hindi nalang daw diretso sa Diyos ang ating pagdarasal. Kadalasan nilang banggitin ang talatang 1 Timoteo 2:5, na kung saan nakasaad na tanging si Jesu-Cristo lamang ang taong tagapamagitan sa atin at sa Diyos. Sabi nila, nilalabag natin ang kalagayan ni Jesu-Cristo bilang tanging tagapamagitan sa tuwing tayo ay nagdarasal sa mga Santo. Ngunit hindi ba naaayon sa gusto ng Diyos na ipagdasal o ipanalangin natin ang ibang tao? Masama ba na isama natin ang mga hinaing ng mga ibang tao sa ating mga mga panalangin?
Sa pagdarasal sa mga Santo, hindi natin nilalabag ang utos ng Diyos na si Jesu-Cristo ang tanging tagapamagitan. Sa katunayan, tayong lahat ay dapat magdasal ng diretso sa kaniya. Gayunpaman, hindi nito ibig sabihin na bawal na ang pagdarasal sa ibang tao upang humingi ng tulong. Sa tuwing naririnig natin ang mga Katoliko na nagdarasal kay Maria o sa mga Santo at sinasabing “Ipanalangin mo kami”, mas lalo nating naiintindihan na ang pagdarasal sa kanila ay hindi para sambahin sila, ngunit para idulog na isama sa mga panalangin nila ang mga dulog natin. Nakasulat din naman sa 1 Timoteo 2:1-4 (MB2005) ang sumusunod: “1 Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. 2 Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. 3 Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.” Kasama sa mga hiling ni Apostol San Pablo sa kaniyang mga sinusulatan na isama din natin sa ating mga panalangin ang ibang tao, at ito’y kalugud-lugod sa Diyos.
Si Cristo ang tanging tagapamagitan
Paano naman ang pagiging tanging tagapamagitan ni Cristo? Dapat nating linawin na si Jesu-Cristo, sa kaniyang tungkulin bilang tagapamagitan, ay katangi-tangi sapagkat siya lamang ang totoong tao at totoong Diyos. Siya ang naglapit ng tao sa Diyos upang magkaroon ng walang hanggang kasunduan sa pagitan ng dalawa. Ngunit hindi nito ibig sabihin nito na sa kaniya lang tayo maaaring humingi ng pakikipamagitan. Nalalaman natin sa konteksto: sa 1 Timoteo 2:1-3, sinasabi na idalangin natin ang ibang mga tao (sa pagkakataong ito, mga may kapangyarihan) at ito’y kalugud-lugod sa Diyos. Bakit ito kalugud-lugod? Sa talatang 3, sinasabi na ibig ng Diyos na ang lahat ng tao ay maligtas. Paano ito? Sa talatang 4 naman, inihayag na si Cristo ang tanging tagapamagitan. Sa kasunod na talata (5), sinasabi na inihandog niya ang kaniyang buhay upang ang lahat ng tao ay matubos sa kanilang mga kasalanan. Ano ang masasabi natin dito? Mapapansin natin na ang gawain na pagdarasal para sa kapakanan ng iba ay isang gawain upang magtulungan ang lahat ng tao na maligtas at magkaroon ng saysay sa ating buhay ang sakripisyo ni Jesu-Cristo sa kaniyang pagtatatag ng bagong tipan sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan sa krus.
Ano ang mabuti sa pagdarasal natin sa mga Santo?
Bakit nga ba tayo nagdarasal sa kanila? Mapapansin natin na nakasulat sa Bibliya na ang pagdarasal para sa bawat tao ay isang gawaing Kristiyano, katulad ng nasabing talata sa 1 Timoteo 2:1-4. Marami pang ibang pagkakataon na nakasulat sa Bibliya ang paghihikayat ng pagdarasal para sa ibang tao, katulad sa mga sulat ni Apostol San Pablo kung saan hinihiling niya na ipanalangin siya ng kaniyang mga sinusulatan (mga halimbawa, sa Roma 15:30-32, Efeso 6:18-20, Colosas 4:3, 1 Tesalonica 5:25, 2 Tesalonica 3:1). Minsan naman si Apostol San Pablo naman ang nangangakong ipagpapanalangin niya ang kaniyang mga sinusulatan, gaya ng nakasulat sa 2 Tesalonica 1:11. Lalong lalo na, si Jesu-Cristo mismo ang nagsabi na ipanalangin natin ang ibang tao kahit na hindi naman nila ito hinihiling sa atin.
Samakatuwid, malinaw para sa atin na ang pagdarasal natin sa kanila ay parang paghiling na tayo ay ipanalangin nila. Makikita din natin sa Banal na Kasulatan na “ipagtapat [natin] sa [ating] mga kapatid ang [ating] mga kasalanan at ipanalangin [natin] ang isa't isa, upang [tayo'y] gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid” [Santiago 5:16 MBB05]. Ang mga Santo, bilang mga itinuring na mga taong matutuwid ng Simbahan, ay siyang mga dapat tularan at gayahin, at isang napakagandang bagay na tayo ay dumulog sa kanila upang ang ating mga panalangin ay maidulog sa Diyos. Sa kanilang pakikipamagitan, mas magiging epektibo ang ating mga dalangin sa Diyos at naipapakita natin sa Diyos na sa ating pananalangin, inaalalala natin ang mga nagawa ng ibang tao, ng mga Santo, upang mapakita natin ang katapatan natin sa ating panalangin.
Source: The Essential Catholic Survival Guide by Catholic Answers