Hanapin sa Blog na ito:

Friday, March 11, 2016

SINO ANG ISANG PASTOR SA JUAN 10:16, si FELIX MANALO o si JESU-CRISTO?

SINO ANG ISANG PASTOR SA JUAN 10:16, si FELIX MANALO o si JESU-CRISTO?
(Isang pagsusuri sa Biblia)



Isa sa mga pinaniniwalaan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo (1914) ay ang pagtalikod ng naunang iglesia na itinatag ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ang paglitaw nito sa malayong silangan (Pilipinas) sa pagsisimula ng unang digmaang pandaigdig. Isa sa mga talata na ginagamit ng INC1914 upang patunayan na nagbigay di-umano ang Panginoong Jesu-Cristo ng hula tungkol sa “ibang tupa” niya na lilitaw sa hinaharap ay ang Juan 10:16:

Juan 10:16 (ADB)
At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.

Mahilig din gamitin ng INC1914 ang Easy-to-Read Version ng Biblia upang patunayan daw na ang kawan ay mangagaling sa hinaharap o “Future”:

John 10:16 (Easy-to-read Version)
I have other sheep too. They are not in this flock here. I must lead them also. They will listen to my voice. In the future there will be one flock and one shepherd.

Sinasabi ng INC1914 na ang nasabing isang kawan ay ang Iglesia na itinatag noong 1914 dito sa Pilipinas at ang isang pastor ay siyang si Felix Manalo di-umano. Ang Iglesia Ni Cristo di-umano ang katuparan ng hula ng pagkakaroon ng mga kawan sa hinaharap (future) at magkakaroon ng isang pastor (Felix Manalo.)

Ano ang sagot nating mga Katoliko dito? Tayo ay hindi naniniwala na si Felix Manalo ang isang Pastor sa Juan 10:16, sapagkat naniniwala tayo na si Jesu-Cristo mismo ang tinutukoy. Bakit? Sapagkat mahalaga sa atin na malaman ang konteksto ng talata upang malaman natin ang buong diwa ng pahayag. Ating basahin ang Juan 10 sa mga talatang 11 hanggang 18:

Juan 10:11-18 (ADB)
11 Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa. 12 Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat: 13 Siya'y tumatakas sapagka't siya'y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa. 14 Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako, 15 Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa. 16 At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor. 17 Dahil dito'y sinisinta ako ng Ama, sapagka't ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli. 18 Sinoma'y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama.

Ngayon ating sagutin ang mga tanong:
1.) SINO ANG MABUTING PASTOR? -Si Jesu-Cristo. (tl. 11)
2.) ANO ANG GAGAWIN NG PASTOR? -Nagibibigay (o ibinubuwis) ang kaniyang buhay para sa mga tupa (tl. 11). Ito’y taliwas sa isang nagpapaupa na hindi mahal ang kaniyang mga tupa kapag siya ay nakakita ng mga lobong paparating (siya’y tumatakas kapag nakikita niya ang mga ito) (tl. 12).
3.) SINO ANG MAY-ARI NG IBANG MGA TUPA? –Si Cristo (tl. 16).

Ang mga nasabing mga pahayag ay nagpapatunay na si Jesus ang siyang isang isang pastor sapagkat kaniyang “dadalhin” ang mga ibang tupa sa kaniyang kasalukyang kawan at magiging isang kawan sila. Hindi magkakaroon ng hiwalay na kawan sapagkat nagpapahiwatig iyon na hindi maaalagaan ng Panginoong Jesu-Cristo ang kaniyang kawan. Tandaan natin, ibubuwis ni Cristo ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga tupa. Ang nais ni Cristo ay hindi maagaw ninoman ang kaniyang mga tupa. Iyon ang nakasulat sa Juan 10:27-30:

Juan 10:27-30
27 Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin: 28 At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay. 29 Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.

Sino ba ang ibang tupa na wala pa sa kaniyang kawan? Ang INC1914 ay naniniwala na may tatlong grupo o pulutong ang naging bayan ng Diyos: ang mga Judio, mga Gentil, at ang ikatlo ay ang INC1914 di-umano gamit ang talatang Roma 9:24 [Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?]. Sinasabi nila na nasa kawan na di-umano ang mga Gentil nang panahon na iyon kaya kailangan magkaroon ng ibang grupo.

Para sa ating mga katoliko, sino ang “ibang kawan” na wala pa kay Cristo ayon sa Juan 10:16? Ito ang mga hindi Judio, at nalalaman natin sa mga panahong nasa lupa pa si Jesu-Cristo, ang kaniyang itinuturing na kaniyang kawan ay ang mga Judio lamang (Juan 4:22). Ngunit alam din natin na tinanggap din ang mga hindi kabilang sa mga Judio noong panahon na iyon, katulad ng mga taga-Samaria (Gawa 8:4-8) at ang mga Gentil (Gawa 10). Nalalaman din natin na walang papabayaan si Jesu-Cristo sa kaniyang mga kasulukuyang mga kawan. Ang nais nga niya ay kaniyang dalhin ang ibang tupa na wala pa sa kaniyang kawan kasama ng kaniyang kasalukuyang kawan (Juan 10:16) at ang mga ibang mga tupa ay magiging kasama ng mga naunang tupa at sila ay magiging isang kawan. Hindi magpapadala sa hinaharap si Cristo ng isang kawan sa hinaharap, at saka hindi din niya ibibigay sa iba ang pagiging isang pastor sapagkat siya nga ang mabuting pastor na mag-aalay ng buhay niya para sa mga tupa; hindi niya ibibigay kanino man ang kaniyang mga tupa.

No comments:

Post a Comment