ANG PAGKA-DIYOS NI CRISTO
(Isang pagsusuri sa Biblia at Kasaysayan)
(Isang pagsusuri sa Biblia at Kasaysayan)
Part 1 – Si Jesu-Cristo ba ay Diyos ayon sa Juan 1:1-3 at 14?
Hindi kaila sa atin na ang ilan sa mga kaibaiyo natin sa pananampalataya ay hindi naniniwala na si Cristo ay tunay na Diyos. Ang ilan sa kanila, katulad ng mga Iglesia ni Cristo (1914) at ng mga Jehovah’s Witnesses, ay naniniwala na si Jesu-Cristo di umano, bagama’t siyang tagapagligtas ng ating mga kasalanan at tagapamagitan sa Ama, siya ay TAO lamang.
Tayong mga Katoliko ay hindi itinatanggi na si Cristo ay isang tao. Ngunit, para sa atin, si Jesus ang Cristo, ang Mesias, ang Diyos na nag-katawang tao at tumahan kasama natin, ang walang hanggang Salita ng Diyos. Siya ang ikalawang persona sa banal na Trinidad, ang Diyos Anak.
Sa mga susunod na serye ng mga post tatalakayin natin kung bakit tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang Panginoong Jesu-Cristo ang tunay na Diyos na nagkatawang-tao.
Bago ang lahat, nais ko munang sagutin ang mga mahalagang konsepto sa likod ng banal na Trinidad. Ito ang mga sumusunod:
1.) Mayroon lamang isang Diyos
2.) Ang Diyos ay may Tatlong Persona
3.) Ang Bawat Persona ay tunay na Diyos
4.) Ang Ama ay hindi ang Anak o ang Espiritu Santo
5.) Ang Anak ay hindi ang Ama o ang Espiritu Santo
6.) Ang Espiritu Santo ay hindi ang Ama o ang Anak
Upang mapatunayan na ang mga paratang na si Cristo ay hindi Diyos, kailangang mapatunayan ng mga tumutuligsa sa aral ng Banal na Trinidad ang isa sa mga konsepto na naglalarawan sa doktrina ng Trinidad. Ang konsepto ng banal na Trinidad, bagamat hindi tuluyang sinabi sa Biblia, ay isang doktrina na sa mabusising pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mapapatunayang totoo nga. Lahat ng ito ay mapapatotohanan sa Biblia, lalong lalo na sa Bagong Tipan. Sa post na ito tatalakayin natin ang pagka-Diyos ni Cristo ayon sa pasimula ng Ebanghelyo ni Juan. Ang Ebanghelyo ni Juan ang ika-apat sa mga Ebanghelyo sa Biblia at ang siyang naiiba sa mga Ebanghelyo ni Mateo, Marcos, at ni Lucas sa takbo ng mga salaysay at mga pangunahing tema. Kung ang mga naunang mga Ebanghelyo ay binigyan ng diin ang pagiging tao ni Jesu-Cristo, ang Ebanghelyo ni Juan ay nagpapatotoo na si Jesus nga ang hinihintay na walang hanggang Salita (Logos) ng Diyos na nagkatawang tao, ang siyang Diyos Anak na nagkatawang tao at nanahan kasama natin.
Una nating basahin ang Juan 1:1-3, at 14 (saling Magandang Balita Biblia)
1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya; 14 Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.
Ang “Salita” ay λόγος (logos) sa Griyego. Ito ay isinasalin ding “Verbo” sa ibang mga salin sa Filipino. Ano ba ang ibig sabihin ng λόγος (logos)? Kung ating susuriin sa konteksto ng mga naunang mambabasa ng ebanghelyo ni San Juan, ang ibig sabihin ng λόγος (logos) ay maaring “isipan” o “pananalita”. Ang tugon ng mga naniniwala na si Cristo ay hindi Diyos kapag tinatalakay ang talatang ito ay ganito: si Cristo ay nasa isip lamang ng Diyos nang lalangin niya ang mundo bilang isang bahagi ng balak ng Panginoong Diyos sa pagliligtas ng tao.
Ano ang tugon nating mga Katoliko dito? Una sa lahat, ang pasimula ni Juan sa kaniyang Ebanghelyo ay naglalaman ng mga importanteng talata na nagpapatotoo na siya nga ay Diyos:
1.) Nang Pasimula ay naroon na ang Salita – ito ay pahapyaw na ginagaya ang nakasulat sa Genesis 1:1 na ang nakasulat ay “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa;”. Ang talatang ito ang nagpapatunay na si Jesus ay naroon na noong simula pa lamang: siya ay walang simula (Juan 8:58). Noong simula pa lamang ay niluluwalhati na ng isa’t isa ang Diyos Ama at ang Diyos Anak (Juan 17:5).
2.) Ang Salita ay kasama ng Diyos – ito ay naglalarawan na ang Salita ay naiiba o natatangi sa Panginoong Diyos. Ito ay sang-ayon sa konsepto at doktrina ng banal na Trinidad: ang Diyos Ama ay natatangi sa Diyos Anak (Salita)
3.) Ang Salita ay Diyos – ito ay nagpapatunay na ang Salita, bagama’t natatangi sa Diyos Ama, ay tunay na Diyos. (Juan 20:28)
4.) Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos – ang Salita, bilang naroon na noong simula pa lamang, ay kasama na ng Diyos noong simula pa lamang. Pansinin natin na ang pagtuturing sa Salita ay parang isang tao at hindi parang isang hamak na “pag-iisip” o “plano” lamang.
5.) Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya – ito ang talatang nagpapatunay na iisa lamang ang Diyos: na ang Diyos Anak, ang Salita, ay kasama sa paglilikha ng mundong ito, at walang anuman na nalikha ang nalikha kung wala siya: nagpapatunay sa kaniyang kahalagahan bilang tunay na Diyos. Kung hindi Diyos si Cristo, kahit wala siya ay kaya pa din lumalang ng Diyos Ama, ngunit hindi.
6.) Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin – ang Salita, bilang tunay na Diyos, ay naging tao at nanirahan sa piling natin. Siya ay totoong tao (Filipos 2:6-11) at totoong Diyos.
Abangan sa mga susunod pang mga post ang mga iba pang pagtalakay sa pagka-Diyos ni Cristo.
No comments:
Post a Comment