Isa sa mga pinakamadalas na paratang ng mga kaibayo natin sa pananampalataya ay ang pagsamba di umano sa mga rebulto ng mga Katoliko. Sabi nila, nilalabag daw ng mga Katoliko ang kautusan ng Diyos nang sabihin niya na “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos” [Exodo 20:4-5a RTPV05]. Nang dahil ba sa kautusang ito ay ipinagbabawal na ng Diyos ang paggawa ng mga rebulto?
Tayong mga Katoliko ay naniniwala din na isang malaking kasalanan sa Diyos ang “idolatry” o idolatriya, na siyang inilarawan ng Catholic Encyclopedia na “banal na pagsamba na ibinibigay sa isang imahen/larawan na ibinibigay sa lahat maliban sa tunay na Diyos.” Ang ibang mga kaibayo natin sa pananampalataya, sa pagpansin nila sa mga rebulto sa ating mga simbahan, ay pinaparatangan tayo na tayo daw ay lumalabag sa kasalanan ng idolatriya sapagkat nagkaroon tayo ng mga niluluhuran, tinitignan, at hinahawakang mga imahen ng mga iba’t ibang mga banal na tao katulad ng mga santo maging ang paggawa ng rebulto ng ating Panginoong Jesus Cristo. Ang ating tungkulin bilang mga Katoliko ay ang ipaliwanag sa kanila ng maayos kung bakit una, katanggap-tanggap ang paggawa ng mga rebulto ni Jesus at ng mga santo at pangalawa, kung bakit hindi ito maituturing na idolatriya.
IPINAG-UTOS NG DIYOS NA GAWIN ANG MGA REBULTO
Ang mga tao na tumutuligsa sa paggamit ng mga rebulto ng mga Katoliko ay madalas nakakalimutan ang mga pagkakataon na ipinag-utos mismo ng ating Diyos na gumawa ng mga ito. Halimbawa, nang ang Kaban ng Tipan (Ark of the Covenant) ay ipinag-uutos ng Diyos na likhain ni Moises, sinabi niya na “Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa.” [Exodo 25:18-20 RTPV05]. Isa pang pagkakataon na mayroong mga “inanyuang mga bagay” na ipinagutos na gawin para sa Panginoon ay nang ibinigay ni Haring David kay Solomon ang plano para sa pagpapagawa ng templo: “Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto para sa altar na sunugan ng insenso, pati ang plano at gintong gagamitin sa karwahe ng mga kerubin na ang mga pakpak ay tumatakip sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sinabi ni David, “Ang lahat ng ito ay nasa plano na ginawa ayon sa utos ni Yahweh at siyang kailangang isagawa.” [1 Mga Cronica 28:18-19 RTPV05]. Isa din sa katangian ng templo sa Jerusalem “...ay balot ng tablang kasintaas ng pinto at may ukit na larawan ng palmera at kerubin; salitan ang larawan ng palmera at kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha:” [Ezekiel 41:17-18 RTPV05]. Ano ang ibig sabihin ng mga nasabing mga talata? Nasa kalooban ng Diyos ang paggawa ng mga rebulto kung ito ay itinuring na hindi Diyos. Ang kautusang “Huwag gumawa ng imahen” ay kaugnay ng naunang kautusan na ““Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin” [Exodo 20:3 RTPV05], kaya tayong mga Katoliko, sa tuwing inilalahad sa atin ang sampung utos, ang mga kautusan na “huwag sasamba sa mga ibang diyos” at “huwag gagawa ng imahen” ay nakapaloob lamang sa ikalawang kautusan.
ANG TAMANG PAGGAMIT NG MGA IMAHEN
Noong ang salot ng mga ahas ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita bilang kaparusahan, sinabi ng Diyos kay Moises na “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang mahabang kahoy. Sinumang natuklaw ng ahas at tumingin doon ay hindi mamamatay.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya lahat ng natuklaw ng ahas ay tumitingin sa ahas na tanso at hindi nga namamatay.” [Mga Bilang 21:8-9 RTPV05]. Ano ang kabuluhan nito? Ang mga tao ay kailangang “tumingin” sa tansong rebulto ng ahas upang gumaling. Ipinapakita nito na ang mga rebulto ay maaaring gamitin para sa mga relihiyosong mga bagay, dahil sa pagkakataong ito ang Diyos ay nagpapagaling ng mga maysakit sa pamamagitan ng “pagtingin sa tansong ahas”. Ang mga Katoliko ay gumagamit ng mga rebulto, mga larawan, at iba pang mga bagay upang maalala ang isang tao o ang bagay na kumakatawan dito. Tulad ng mga pagkakataon na tayo, sa pagaalaala natin sa mga namayapa na nating mga mahal sa buhay, ay gumagamit ng mga larawan upang mas maramdaman natin ang alaala ng taong iyon. Sa paghahalintulad, ganito din ang gamit ng mga rebulto ng mga santo upang maalala ang mga katangian nila at maaaring makatulong sa pag-aaral sa kanilang mga nagawa na ukol sa Diyos. Ipinagbabawal ng Diyos ang “pagsamba sa mga larawan na ito”, ngunit hindi niya ipinagbawal ang paggawa ng mga nasabing mga larawan, na nailarawan na natin sa iba’t ibang halimbawa mula sa Bibliya. Kapag ang mga nasabing mga rebulto o imahen ay itinuring nang parang isang diyos, dito pa lamang magkakaroon ng kasalanan ng idolatriya. Ang halimbawa nito ay nang “dinurog din niya (ni Haring Ezequias) ang tansong ahas na ginawa ni Moises na kung tawagin ay Nehustan sapagkat hanggang sa panahong iyon ay pinagsusunugan pa nila ito ng insenso” [2 Mga Hari 18:4b RTPV05]. Ano ang mali dito? Binigyan nila ng pangalan ang tansong ahas na Nehustan at pinagsunugan ng insenso, na nagpapahiwatig na itinuring ng mga tao na ang tansong ahas mismo ang may kapangyarihan.
Mga reprerensiya:
"The Essential Catholic Survival Guide" by the staff at Catholic Answers
Catholic Encyclopedia
Halata bamang mali pagsamba sa rebulto o imahin at yung pagsamba sa gawa ng kamay ng tao sabi sa biblya huwag mong iisipin ang pagkadios gaya ng ginto pilak bato mga rebulto at imahin unang utos palang ng dios palpak ng turo nila kaya bumaba dito si jesus upang iligtas tayo sa maling turo ng ating mga ninuno sana magbago ang kanilang iniisip dilang yon sa gawa at pagtupad ng lahat ng bagay alang alang sa dios ba mapanibughuin salamat sa dios at nalaman ko rin ang katotohanan GoD bLesS o+
ReplyDelete