ANG PAGKA-DIYOS NI CRISTO
(Isang pagsusuri sa Biblia at
Kasaysayan)
Part 2 – Si Cristo ba ay tao
lamang?
Sa nakaraang post, tinalakay
natin ang isa sa mga pinaka-saligan ng pananampalataya sa Biblia na
nagpapatunay na si Cristo ay tunay na Diyos. Siya ang walang hanggang Salita ng
Diyos: ang Anak ng Diyos. Sa nakaraang post, pinatunayan natin ayon sa Juan
1:1-3 at 14 na si Jesu-Cristo ay Diyos ayon sa pag-aaral natin.
Ngunit, sabi ng ilan, malinaw
di-umano sa Biblia na itinangi ang Panginoong Jesu-Cristo bilang isang tao sa
Diyos. Ating tatalakayin ang mga talatang ito (lahat ng sumusunod na talata ay
isinipi mula sa saling Ang Biblia):
I Timoteo 2:5
“Sapagka't may isang Dios at
may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang TAONG si Cristo Jesus,”
Juan 8:40a
“Datapuwa't ngayo'y
pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo'y nagsaysay ng
katotohanan,”
Mateo 1:20b
“Jose, anak ni David, huwag
kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang
dinadalang-TAO ay sa Espiritu Santo”
Ang Simahang Katolika ay
hindi itinatanggi ang katotohanang ito: na si Cristo ay isang tao. Ngunit,
maraming beses na nating nilinaw na si Jesu-Cristo ay totoong tao AT totoong Diyos.
Ito ay isa sa mga misteryo ng ating pananampalataya: kung paanong ang Diyos ay
nagkatawang tao na tumahan kasama natin. Ang mga nasabing mga talata ay
binibigyan lamang ng puna ang pagka-tao ni Jesu-Cristo, ngunit hindi nito ibig
sabihin na si Cristo ay tao lamang. Mahalagang suriin natin ang konteksto ng
mga nasasabing talata upang malaman natin kung ano ba talaga ang dahilan bakit
sa Biblia binigyan ng pansin ang pagkatao ni Jesus.
Sa I Timoteo 2:5, ang
konteksto nito ay ang pagbibilin ni Apostol San Pablo sa kanyang alagad at
kamanggagawang si Timoteo na sa kanilang mga panalangin ay ialay sa lahat ng
mga tao sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Para sa konteksto, basahin ang I
Timoteo 2:1-6. Nais nating linawin na hindi sinabi sa talatang ito na si Cristo
ay hindi Diyos bagamat siya ay ay ang “taong tagapamagitan.” Bakit binigyan ng
pansin ang pagiging tao ni Cristo dito? Dahil siya ang “tagapamagitan” ng Diyos
at tao. Sa panig natin, siya ay nakilala natin bilang isang tao. Ngunit upang
maging isang tunay na tagapamagitan, siya ay dapat maging isang persona na
kayang iparating ang ating gustong sabihin. Tulad ng isang tagasalin ng ibang
wika na may kaalaman sa dalawang wika, ang Panginoong Jesu-Cristo ay totoong
tao AT totoong Diyos. Nagiging makabuluhan lamang ang pagiging tagamapagitan ni
Jesus sapagkat siya ay parehong tao at Diyos.
Sa Juan 8:40, ang konteksto
nito (Juan 8) ay ang pagtatanong ng mga Judio sa pagtatawag ni Cristo na Ama sa
Diyos. Ito ang dahilan kaya gustong patayin ng mga Judio si Cristo: sapagkat
itinuturing nila na si Cristo ay nakikipantay sa Diyos sa pagtawag dito na Ama
(Juan 5:18) na isang katagang itinuturing na kalapastangan kung ikaw ay isang
tao lamang. Sa puntong ito, pinupuna ng mga Fariseo si Jesus tungkol sa kaniyang
pagtawag na Ama sa Diyos, at ihinahambing nila na kanilang mga sarili na ang
Ama naman nila ay si Abraham (tl. 8:39). Pinupuna ni Jesus na bagamat ito ang
kanilang sinasabi, hindi naman nila isinasabuhay ang mga utos ni Abraham
sapagkat nais nilang patayin ang isang babaeng nagkasala sa pagkakalunya (tl.
8:1-11). Sa paghahambing, si Cristo naman ay isinasalaysay ang kaniyang
relasyon sa Ama, at kung paanong siya ang sumusunod sa utos ng Diyos. Sa
pagpunang ito, inaakusahan ng mga Fariseo si Jesus na siya ay mas higit pa
kaysa kay Abraham, sapagkat sinabi ni Jesus na nagalak si Abraham noong nakita
niya si Jesus (tl. 8:56). Sa pahayag na ito, tinanong ng mga Judio si Jesus na “Wala
ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham?” (tl. 8:57). Ang sagot ni
Jesus? Sinabi niya na “Bago ipinanganak si Abraham, ay AKO NGA.” Ang “AKO NGA”
sa Griyego ay “eigo eimi” na ang ibig sabihin ay “Ako Nga” sa literal na salin
at “Ako ay Umiiral”. Ang pahayag na ito ang nagpapatunay na si Cristo, bago pa
ang kaniyang pagdating dito sa mundo, ay umiiral na bilang Diyos, kaya siya ay
nakita ni Abraham at nagalak. Ito din ang intindi ng mga Judio dito, kaya siya
ay kanilang pinagbabato (tl. 8:59).
Sa Mateo 1:20, ang konteksto
naman ay ang kapanganakan ni Jesus. Mga mahalagang punto tungkol sa talata:
una, si Maria ay nagdalang tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang ikatlong
persona sa banal na Trinidad. Ang kalikasan ng kaniyang kapanganakan ay
nagpapahayag na si Jesus ay hindi isang ordinaryong tao sapagkat siya ay
ipinanganak sa pamamagitan ng Birheng Maria AT ng Espiritu Santo. Sa pagdating
ni Jesus sa mundong ito, matuturing na ang Diyos ay pumarito na din, sa
pagsasabi na din sa talatang 23 na siya ang Emmanuel, “na kung liliwanagin, ay Kasama natin ang Diyos”.
No comments:
Post a Comment