MGA PANINIWALANG PROTESTANTE
(Isang pagsusuri sa Biblia)
Part 3 – Ang Biblia lamang ba ang tanging batayan ng mga katotohanan na mula sa Diyos? [Sola Scriptura]
Sa mga nakaraang mga post,
naitalakay natin ang isa sa mga pangunahing doktrina ng kilusang
Protestantismo: ang Sola Fide o ang paniniwala na tanging ang pananampalataya
lamang ang makakapagligtas sa isang tao. Ngayon, ating tatalakayin ang isa pa
sa mga pangunahing doktrina ng mga Protestante: ang Sola Scriptura o ang
paniniwala na ang tanging ang mga banal na kasulatan, ang Biblia, ang siyang
tanging batayan ng pananampalataya o doktrina: anumang bagay na wala sa Biblia
ay hindi maaaring gawing batayan ng pananampalataya sa kadahilanang ito ay
walang kapamahalaan, walang kabuluhan, at mali. Ito ay taliwas sa paniniwalang
Katoliko na ang Banal na Kasulatan, kasama ang Banal na Tradisyon, ang siyang
mga batayan sa pananampalataya.
Ano ang Banal na Tradisyon?
Ito ang buhay na pagpapasa ng mga turo ng mga apostol sa pamamagitan ng “Paghahalili
sa Pagka-Apostol”. Tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang mga batayan ng
katotohanan na inihayag ng ating Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Espiritu
Santo ay dalawa: ito ay ang Banal na Kasulatan (ang Biblia) at ang Banal na
Tradisyon. Gayunpaman, ilan sa mga kapatid nating mga Protestante ang
naniniwala na tanging ang Biblia lamang ang pinakabatayan ng pananampalataya.
Ating susuriin ang mga batayan ng ating mga kapatid na Protestante at sasagutin
natin ang mga ito. Atin ding susuriin na ang Biblia mismo ay hindi
sinusuportahan ang ganitong doktrina.
Una sa lahat, ang “Sola
Scriptura” o ang doktrina na nagsasabi na ang Biblia lamang ang tanging
pinakabatayan ng pananampalataya sa isang Kristiyano ay lumabas lamang noong
ika-16 na siglo noong ito’y ipinahayag ni Martin Luther (ang itinuturing na ama
ng Protestantismo) noong hinamon niya ang mga turo ng Simbahang Katolika noong
mga panahon na iyon. Sa paghamon niya sa simbahan, tanging ang mga banal na
kasulatan na lamang ang mayroon siya: at ito na lamang ang kaniyang mga naging
batayan sa pakikipagtuligsa sa kanila. Si Martin Luther ay tumanggi sa
kapamahalaan ng iglesia katolika, sapagkat kaniyang pinaniwalaan na madaming
mga bagay na itinuturo umano ng Biblia na
Tandaan natin, noong ang
ating Panginoong Jesus ay umakyat sa langit, hindi siya nag-iwan ng mga
kasulatan; bagkus siya ay nag-iwan ng labing-isang mga apostol (at ilang mga
disipulo) upang mangaral ng kaniyang ebanghelyo o mabuting balita: na ang
Cristo o Mesias ay namatay, nabuhay muli, at umakyat sa langit. Hindi siya
nag-iwan ng mga kasulatan; nag-iwan siya ng mga aral at turo. Ang pagpapasa ng
banal na paghahayag ng mga kaalaman ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ay naging
kaugalian at kasanayan na ng mga sinaunang mga Kristiyano.
Bagamat gayon, marami sa
ating mga kapatid na Protestante ay naniniwala ang doktrina ng “Sola Scriptura”
ay makikita sa Biblia. Isa sa mga talata na ginagamit nila ay ang I Timoteo
3:16-17:
II Timoteo 3:16 (MBB)
16 Ang lahat ng Kasulatan ay
kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa
maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa
matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat
at handa sa lahat ng mabubuting gawain.
Tayong mga Katoliko ay hindi
itinatanggi ang nasabing talata; bagkus tayo din ay naniniwala na ang lahat ng
mga banal na kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ngunit, tayo ay hindi naniniwala
na tanging sa mga kasulatan lamang tayo kumukuha ng mga batayan ng ating
pananampalataya. Hindi din naman sinasabi sa talata na “lahat ng kasulatan ay
ang TANGING gagagamit sa pagtuturo ng katotohanan (etc.)”. Ito ay sinabi upang
ang lingkod ng Diyos ay maging karapat-dapat at handa sa lahat ng mga
mabubuting gawain. Sinasabi niya kay Timoteo na pahalagahan ang mga kasulatan
sa kaniyang pagmiministeryo ng mga salita ng Diyos, ngunit hindi niya sinabi na
tanging ito lamang ang kaniyang gamitin.
Isa din sa mga katibayan
di-umano na tanging ang mga banal na kasulatan lamang ang batayan ng mga
pananampalataya ay ang nakasulat sa Gawa 17:10-12, kung saan nakarating sina
Apostol San Pablo at ang kaniyang mga kasama sa Berea, kung saan itinuring
silang mga taga-saliksik ng mga Kasulatan:
Gawa 17:10-12 (MBB)
10 Nang gabi ring iyon ay
pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, sila'y
pumasok sa sinagoga ng mga Judio. 11 Mas bukas ang isipan ng mga Judiong
tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. Wiling-wili silang nakikinig sa
mga paliwanag ni Pablo, at sinasaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang
tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya. 12 Sumampalataya ang maraming Judio
roon, gayundin ang mga Griego, pawang mga lalaki at mga babaing kilala sa
lipunan.
Ang pahayag na ito ay
naglalahad ng pagtuturo ni Apostol San Pablo sa iba’t ibang lugar sa
imperyong Roma na si Jesus ang Mesias. Kung
babasahin natin ang talata, talagang aakalain natin na ang mga taga-Berea ay
nagsasaliksik ng mga kasulatan upang mapatunayan na si Cristo nga ay pinatotoo
sa pamamagitan ng mga kasulatan. Ngunit, ano ba ang mga kasulatan na
sinasaliksik ng mga taga-Berea? Ito ay ang mga kasulatan mula sa lumang tipan,
sapagkat noong mga panahong iyon wala pang itinalagang mga kasulatan sa
nabibilang sa bagong tipan (na, sa katunayan, tinipon at idineklara na mga
banal na kasulatan ng mga Katoliko). Ang talatang ito nga ay nagpapatunay na
ang pagtuturo ni Apostol San Pablo ay hindi lamang sa mga kasulatan nakabatay;
kundi siya din ay tumanggap ng mga aral na kinasihan din ng Diyos sa kaniya: na
si Cristo ang katuparan ng mga nakasulat sa lumang tipan, at siyang nagtatag ng
bagong siglo para sa bayan ng Diyos.
Ang mga apostol at ang
sinaunang iglesia ay hindi naniniwala na ang lahat ng bagay ay nakasulat lamang
sa mga kasulatan, sila ay naniniwala sa mga tradisyon na ipinapasa sa mga
maghahalili sa kanila. Tayo ay naniniwala na hindi nakapaloob lamang sa Biblia
ang mga huling kaalaman at pagpapahayag ng Diyos sa atin. Ito’y napapatunayan
ng mga talatang II Timoteo 2:2 at II Tesalonica 2:15.
II Timoteo 2:2 (MBB)
Ang mga narinig mo sa akin sa
harap ng maraming saksi ay ituro mo rin sa mga taong mapagkakatiwalaan at may
kakayahang magturo naman sa iba.
II Tesalonica 2:15 (MBB)
Kaya nga, mga kapatid,
magpakatatag kayo sa mga katotohanang itinuro namin sa inyo, batay sa sinabi at
isinulat namin.
Natapos na po ang ating mga
series ng post na pinamagatang “MGA PANINIWALANG PROTESTANTE (isang pagsusuri
sa Biblia)”. Sa susunod na mga post ay tatalakayin natin ang seryeng “SI
JESU-CRISTO BA AY TUNAY NA DIYOS? (isang pagsusuri sa Biblia)”. Nawa’y
pagpalain tayong lahat ng Maykapal.
No comments:
Post a Comment