Hanapin sa Blog na ito:

Tuesday, March 1, 2016

ANG IGLESIA NI CRISTO (1914) BA AY NAKASULAT SA BIBLIA?
(GAWA 20:28)

Pinaniniwalaan ng mga kaibayo natin sa pananampalataya mula sa Iglesia ni Cristo (1914) na ang kanilang iglesia ang sinasabing iglesiang lumitaw noong 1914 dito sa Pilipinas at ang siyang iglesiang hinulaan sa Biblia. Isa sa mga patunay di-umano nila ay ang Gawa 20:28 (Lamsa), na kung saan pinapatunayan nila di-umano na sila lang ang maliligtas pagdating ng araw ng paghuhukom sapagkat sila lamang iglesia o kawan na tinubos ng dugo ni Cristo:

Acts 20:28 (Lamsa)
Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the CHURCH OF CHRIST which he has purchased with his blood.

Gawa 20:28 (Lamsa) (isinalin sa Filipino ng INC)
Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo upang maging mga katiwala, upang pakanin ang IGLESIA NI CRISTO na binili niya ng kaniyang dugo.

Madalas ginagamit ang talatang ito sa kanilang mga pagtuturo kung ano ang tunay na iglesia na itinatag ni Cristo. Kadalasan, pagkatapos nila magbasa ng mga talata tungkol sa iglesia (ex. Mateo 16:18), tungkol sa kawan (ex. Juan 10:16), o tungkol sa pagtutubos ng dugo ni Cristo sa kasalanan (ex. Roma 5:9) ay sinusundan ng katanungan na katulad ng mga sumusunod:
-Ano ang pangalan ng iglesia na itinatag ni Cristo? Sagot ay Gawa 20:28 (Lamsa)
-Ano ang pangalan ng kawan ni Cristo? Sagot ay Gawa 20:28 (Lamsa)
-Ano ang tinubos ng dugo ni Cristo? Sagot ay Gawa 20:28 (Lamsa)

Sa paraang ito maraming nahihikayat na maniwala na ang INC (1914) nga ay mababasa sa Biblia, at sa konklusyon ng iba, ay ang tunay na Iglesia sapagkat ito’y nakasulat o hinulaan sa Biblia.

Ano ang mga pagtututol nating mga Katoliko dito? Bakit tayo sigurado na mali ang pangangatwiran ng mga INC (1914) dito?

1.) Noong unang siglo ang iglesia na itinatag ni Cristo at ng mga apostol ay wala pang opisyal na pangalan. Ito’y pinapatunayan ng maraming tawag sa iglesia tulad ng “iglesia ng Diyos” (1 Cor. 10:32), “iglesia ng mga banal” (1 Cor. 14:33), o ang “katawan ni Cristo” (Ef. 5:23). Sa katunayan, sa orihinal na Griyego ng Gawa 20:28 ay hindi naman “iglesia ni Cristo” ang nakasulat, kundi “iglesia ng Diyos” o sa ibang mga manuskripto ay “iglesia ng Panginoon”. Ano po ang napapansin natin sa mga talata? Ang mga ipinapangalan sa iglesia noong unang siglo (sa pagpapatotoo ng Biblia) ay mga paglalarawan sa katangian ng iglesia, sa pagpapatotoo ng madaming tawag dito na naglalarawan kung sino ba ang may ari nito (Diyos/Panginoon/Cristo) hindi kung ano ang opisyal ng pangalan ng iglesia.

2.) Sa saling Lamsa, pinangangatwiran ng INC (1914) na tama ang salin ni Mr. George M. Lamsa sa Gawa 20:28 sa kadahilanang ang Diyos ay walang dugo (sapagkat siya ay espiritu), kaya imposible daw na ang Iglesia ng Diyos ang tamang salin. Imposible daw na bilhin ng Diyos ang iglesia sapagkat siya ay walang dugo. Si Cristo lamang daw ang tao na may dugo (hindi tayo tumatanggi dito) kaya mas pinipili nila ang salin na “Iglesia ni Cristo”. Alam nating mga katoliko na ang pangangatwiran na ito ay batay lang sa palagay na si Cristo ay hindi Diyos at tao lang, na sadyang mali (ipinipilit ang gustong salin sa halip na hayaang magsalita ang Biblia para sa sarili nito). Ngunit ang pinakamahalaga, kung susuriin, kung ang pangalang IGLESIA NI CRISTO ay tunay na nasa Biblia, dapat ito’y nakasulat sa orihinal na manuskriptong Griyego. Ang tanging pagkakataon na lumabas ang IGLESIA NI CRISTO sa Biblia sa mga literal na salin (walang PARAPHRASE) ay sa Roma 16:16 (sa saling Ang Biblia), ngunit kung susuriin ito’y tumutukoy sa iba’t ibang iglesia na bumabati sa iglesia sa Roma (ἐκκλησίαι o ekklēsiai ang nakasulat, na isang Nominative Feminine Plural, kapag isinalin ay “churches” sa Ingles at “mga iglesia” sa Filipino) at hindi sa isang opisyal na pangalan ng organisasyon. Kung tunay nga na opisyal na pangalan ang IGLESIA NI CRISTO (1914), ang dapat na nasa orihinal na Griyego ay Εκκλησίαν του Χριστού (Ekklesían tou Christoú/Church of Christ/Iglesia ni Cristo) at hindi Εκκλησίαν του Θεοῦ (Ekklesían tou Theou) o ἐκκλησίαν τοῦ κυρίου (Ekklesían tou Kyrion/Church of the Lord/Iglesia ng Panginoon). Si Apostol San Pablo, kung malinaw na gustong ipakilala ang opisyal na pangalan ng iglesia, dapat mas naging masugid siya sa pagpapakilala sa pangalan sa paraang ito ang palagi niyang pagtawag sa iglesia.

Marami pang beses na pinapatunayan di-umano ng Iglesia ni Cristo na ang iglesia daw nila ay nakasulat sa Biblia, ngunit kung susuriin kapag pinapatunayan nila ito sila ay gumagamit ng mga Dynamic Equivalence na salin (ang mga salin na lumalayo sa literal na pagsasalin ng mga orihinal na teksto). Sa paraang ito mapapansin natin na hindi iginagalang ng Iglesia ni Cristo ang salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia sapagkat hindi nila iginagalang kung ano ang sinasabi ng Biblia, kundi kung ano lang ang gusto nilang paniwalaan.

2 comments:

  1. Church means a congregation of people worshiping only one GOD (Jesus) at ang kausap ni Paul sa Acts 29:28 mga Jews at Gentiles na nakatira sa parteng Europe at Middle east (asian part) ...May Filipino na ba duon na kausap ni Paul? Nuong dumating ang mga Kastila sa Pilipinas hindi pa kilala ng mga Pilipino ang ating Panginoong Jesus, at dala dala ng mga Kastila ang Biblia ng Roman Catholic and Apostolic Church Kaharap mismo ni
    Paul ang kanyang sinasabihan ng "Take heed to yourself" papaanong naging INC ang tunay na relihiyon samantalang binasa lang nila ang biblia ng Catholico. Alam ba nila ito/

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kasi mismong biblia ninyo d nyo naintindihan ganon lang ka semple.

      Delete