Hanapin sa Blog na ito:

Sunday, March 20, 2016

ANO ANG KABULUHAN NG LINGGO NG PALASPAS? (isang pagsusuri sa Bibliya)

ANO ANG KABULUHAN NG LINGGO NG PALASPAS?
(isang pagsusuri sa Bibliya)

Tayong mga Katoliko ay ipinagdiriwang ang Linggo ng Palaspas o “Palm Sunday” sa ingles sa ika-anim at huling linggo ng panahon ng Mahal na Araw sa kalendaryong Katoliko. Ito ay ipinagdiriwang isang linggo bago ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Cristo tuwing Pasko ng Muling Pagkabuhay o “Easter.”

Ano ang kabuluhan ng pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas para sa atin? Ito ang pagbibigay ng alaala sa isang pangyayari noong nandito pa sa lupa si Jesus: noong siya ay matagumpay na pumasok sa Jerusalem. Ang pangyayaring ito ay nakasulat sa apat na ebanghelyo sa Bibliya: sa Mateo 21:1-17, sa Marcos 11:1-11, sa Lucas 19:29-40, at sa Juan 12:12-19. Sa pagkakasulat sa apat na ebanghelyo, ito ay nagpapahiwatig na ang pangyayaring ito ay napakahalaga sa buhay ni Jesus.

Ating basahin ang nakasulat sa Juan 12:12-15:

Juan 12:12-15 (Ang Biblia)
12 Nang kinabukasan ang isang malaking karamihan na nagsiparoon sa pista, pagkabalita nila na si Jesus ay dumarating sa Jerusalem, 13 Ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya, na nagsisigawan, Hosanna: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang Hari ng Israel. 14 At si Jesus, pagkasumpong sa isang batang asno, ay sumakay doon, gaya ng nasusulat, 15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion: narito, ang iyong Hari ay pumaparito, na nakasakay sa isang anak ng asno.

Ano ang kabuluhan ng pagpasok ni Jesus sa Jerusalem? Ano ang ibig sabihin ng mga ginawa ng mga tao na nasa Jerusalem na sumalubong kay Jesus?

Ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem sa pamamagitan ng isang asno ay isang pahiwatig na siya ay nagpapakilalang Mesias sa mga tao sa Jerusalem. Kaniyang tinupad ang hula na tungkol sa Mesias o ang siyang magiging hari ng mga Judio na ayon sa Zecharias 9:9. Si Jesus ay pumasok sa Jerusalem na nagpapakilalang hari ng Israel. Bagamat si Jesus ay hindi tahasang sinabi ito noong siya ay nangangaral pa sa Galilea (Mateo 12:16 at 16:20), sa pagkakataon na ito ay tahasan na niyang ipinahayag na siya ang Mesias. Ang mga tao sa Jerusalem ay naiintindihan ito, kaya sila ay naglatag ng mga balabal at nagputol ng mga sanga ng punong kahoy upang ipangbati sa kaniya. Ang paglalatag ng mga balabal ay isang tanda ng pagbibigay ng galang sa isang hari noong mga panahon na iyon, gaya ng nakasulat sa II Hari 9:13. Ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem ay ang naging tanda ng pagdating ng kaharian ng Mesias na matutupad sa pamamagitan ng Paskua ng kaniyang pagkamatay at muling pagkabuhay (Cathecism of the Catholic Church, par. 560, isinalin sa Filipino). Bagamat ito ang naging pagsalubong ng mga tao kay Jesus, marami sa mga Judio ang hindi naniwala dito at sa bandang huli, sila mismo ang nais magpapatay kay Cristo sapagkat siya ay namumusong o gumagawa ng kalapastanganan sa hula tungkol sa Mesias na sa tingin nila ay isang makapangyarihang hari na lalaban sa mga kalaban ng Israel. Sa halip, ang kanilang nakita ay isang simpleng taong naga-Nazaret na nangangaral ng kaharian ng Diyos.

Ating pagnilay-nilayan ang pangyayaring ito at tayo, bilang mga Katoliko, ay matutong tanggapin si Jesus sa ating buhay ng buong sigla at tayo ay magalak sapagkat ang isang tagapagligtas ay pumasok na sa buhay natin.

No comments:

Post a Comment