MGA PANINIWALANG PROTESTANTE
(Isang pagsusuri sa Biblia)
Part 2 – Ang kaligtasan ba ay matatamo sa pananampalataya lamang? [Sola Fide Part 2]
Sa aking nakaraang post, tinalakay natin na taliwas sa paniniwala ng mga kaibigan nating mga Protestante na ang isang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya lamang, tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang kaligtasan ay naibigay sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Diyos, at ang pagtanggap natin sa biyayang ito ay kailangang may kalakip na pananampalataya at paggawa ng mabubuting mga gawa.
Sa post na ito, tatalakayin natin ang ilan sa mga patunay na mga talata ng ilan sa ating mga kaibigang Protestante tungkol sa kanilang paniniwala na ang kaligtasan ay matatamo sa pananampalataya lamang, at ang mga tugon nating mga Katoliko kung bakit mali ang kanilang interpretasyon sa mga talata.
Ang mga sumusunod na talata ay ang mga kadalasang ginagamit na katunayan ng mga kapatid nating mga Protestante na ang pananampalataya lamang, at walang gawa, ang makapagliligtas sa isang tao:
Efeso 2:8-9 (Ang Biblia)
8 Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; 9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.
Roma 3:28 (Ang Biblia)
Kaya nga maipasisiya natin na ang tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
Galatia 2:16 (Ang Biblia)
Bagama't naaalaman na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa mga gawang ayon sa kautusan, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi dahil sa mga gawang ayon sa kautusan: sapagka't sa mga gawang ayon sa kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinomang laman.
Bago natin talakayin ang mga nasabing mga talata, ipapakilala ko muna sa inyo si Apostol San Pablo. Si San Pablo (o Saulo sa kaniyang pangalang Judio) ay ang Apostol sa mga Gentil (Gawa 9:15) na naglakbay sa iba’t ibang mga bansa upang ipalaganap ang ebanghelyo ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kaniyang mga paglalakbay ay sumulat siya sa iba’t ibang mga iglesia at sa mga taong kamanggagawa niya. Ang mga sulat na ito ay naging bahagi ng panuntunan ng bagong tipan na nakatipon sa Biblia. Kung ating papansinin, ang mga talata kung saan pinapatunayan di umano na nasa Biblia ang aral na ang kaligtasan ay matatamo sa pamamagitan ng tanging pananampalataya lamang ay matatagpuan sa mga sulat ni Apostol San Pablo.
Ano ang isa sa mga mga naging pinakamalaking isyu ni Apostol San Pablo sa kaniyang ministeryo sa mga Gentil? Ito ay ang pagsasama ng mga Judio at ng mga Gentil sa iglesia. Ang isang Gentil, sa pinakamalawak na paglalarawan, ay isang taong hindi Judio. Ang isang Judio ay ang naunang bayan ng ating Panginoong Diyos, na silang binigyan ng isang tipan kapalit ng pagsunod nila sa mga utos ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagsusulat ni Moises. Sa panahong lumalaganap na ang ebanghelyo sa mga Gentil, idineklara ng Diyos na ang mga Gentil, bagamat hindi nila sinunod ang mga kautusan ni Moises, ay kasama na sa pagsasakop ng kaniyang bagong tipan: ginawa na niyang kabilang sa kaniyang iglesia ang mga Gentil. Ngunit sa pangyayaring ito, mayroong mga tutol na Judio na nagsasabi na kailangang magpatuli at sundin ang mga kautusan ni Moises bago maging mga Kristiyano at maligtas (Gawa 15:5). Ang naging pasya? Ipinagpasiya sa malaking pagpupulong sa Jerusalem (Gawa 15:6-21) na hindi na kailangang sumunod ng mga Gentil sa mga kaugaliang Judio katulad ng pagtutuli at pagsunod sa mga kautusan ni Moises. Bagamat madami sa mga Judio ang umusig sa pasyang ito ng iglesia, ito ay nanaig at nalalaman natin na halos lahat ng mga Kristiyano ngayon ay, kung tutuusin, mga Gentil.
Ano ang kahalagahan nito sa mga talatang nagpapatunay di-umano na ang pananampalataya ay sapat na upang maligtas? Sapagkat, kung ating babasahin ang mga talatang sinabi natin kanina nang wala sa konteksto, talagang aakalain natin na ang mga “gawa” o “works” sa ingles ay ang mga mabubuting gawa. Ngunit, kung titignan natin ang konteksto kung bakit sinabi ito ni Apostol San Pablo, malalaman natin na ang mga sinasabi niya dito ay tungkol sa mga “gawa ng kautusan” o ang mga gawa kung saan nakilala ang mga Judio. Para sa mga Judio, ang mga “gawa ng kautusan” ang siyang mga nagpapanatili sa kanila sa kanilang tipan na galing sa Panginoong Diyos. Kung hindi ka gumawa ng mga “gawa ng kautusan” (halimbawa, pagoobserba ng Sabbath, pagkain ng mga maruruming pagkain, pagpapatuli) hindi ka na kabilang sa mga Judio at ang masaklap pa dito, maaari kang ipapatay nang naaayon sa kautusan. Nalalaman din natin na ang mga Gentil, bagamat wala sa kanila ang kautusan, ay ginawa silang karapat-dapat sa harap ng Diyos (Roma 2:14-15). Ang maling pagiisip ng mga Judio, kailangan pang maging Judio din ng mga Gentil upang masakop sila sa pagliligtas sa pamamagitan ng pagkamatay ni Jesus.
Suriin natin ang mga talata. Sa Efeso 2:8-9, sinasabi na ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo ay nang dahil sa pananampalataya at hindi sa kung ano ang ginawa ng sinuman. Ngunit kung susuriin natin, sa mga talatang Efeso 2:11-22, ang paksa na tinutukoy ay ang pagiging isa ng mga Gentil at ng mga Judio sa isang katawan ni Cristo, na inalis ang mga kautusan upang pag-isahin sila sa isang iglesia. Sa Roma 3:28 naman, tinutukoy na sa pananampalataya tayo ay nagiging marapat, taliwas sa paniniwalang Judio na kailangang sundin ang mga kautusan ni Moises upang tayo ay maging marapat. Sa Galatia 2:16, mapapansin naman natin dito na pinupuna ni Apostol San Pablo na tayong lahat ay pinapawalang sala at tinatanggap sa loob ng iglesia sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtanggap sa biyaya ng Diyos, at hindi din naman sa pagsunod sa mga kautusan ng mga Judio. Makikita din natin na sa Galatia 2:11-14, pinupuna ni Apostol San Pablo ang mga ginawa ni San Pedro na nagpapakita na hindi siya totoo sa kaniyang ginagawa. Sabi nga ni Apostol Pablo, "Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?"
Marapat lamang natin dapat bigyan ng kaibahan ang mga “gawa ng kautusan” at ang mga “mabubuting gawa” na kailangan upang tayo ay patuloy na maligtas. Ang biyaya ng Diyos noong una tayong makatanggap nito ay isang libreng biyaya, sapagkat wala tayong ginawang anuman para makamtan ang biyayang ito, taliwas sa paniniwalang Judio na kailangan munang sundin ang mga gawa ng kautusan bago tayo maligtas. Ngunit, sa pagtanggap natin ng biyayang ito, sa patuloy nating paglakad sa buhay na ito kasama ang ating Diyos, kailangan pa din ng mga mabubuting mga gawa upang mapatunayan natin sa ating Diyos na tayo ay karapat-dapat na mamuhay sa ilalim ng kaniyang pakikipag-kaibigan. Ayon nga din mismo kay Apostol San Pablo:
Roma 6:1-4 (MBB)
1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? 2 Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? 3 Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? 4 Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.
Roma 2:6-10 (MBB)
6 Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. 7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. 8 Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. 9 Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego. 10 Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego 11 sapagkat walang itinatangi ang Diyos.
No comments:
Post a Comment