Hanapin sa Blog na ito:

Sunday, January 31, 2016

MGA PANINIWALANG PROTESTANTE (Isang pagsusuri sa Biblia) Part 1 – Ang kaligtasan ba ay matatamo sa pananampalataya lamang? [Sola Fide Part 1]



MGA PANINIWALANG PROTESTANTE
(Isang pagsusuri sa Biblia)

Part 1 – Ang kaligtasan ba ay matatamo sa pananampalataya lamang? [Sola Fide Part 1]


Karamihan sa ating mga kaibigang mga Protestante ay naniniwala na ang Simbahang Katolika di umano ay nagtuturo ng “Kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa”, habang inihahambing ang kanilang sariling paniniwala na ang “Kaligtasan ay sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.” Kanilang tinutuligsa na ang Simbahang Katolika ay nagtuturo na ang kaligtasan na napakakumplikado, nakakapagod, at labag sa kautusan sa Biblia.

Ang paniniwalang Protestante na ang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, at walang mga mabubuting gawa ang makakapagbigay ng katuwiran para sa kaligtasan. Ito ay salungat sa turong katoliko, kung saan tayo ay naniniwala na ang kaligtasan ay natamo natin sa biyaya ng ating Panginoong Diyos at parehas na mahalaga ang panananampalataya at mga gawang mabuti. Ang turo ng mga Protestante tungkol sa mga mabubuting gawa ay ito ay isang tanda na ang tao ay may pananampalataya; ngunit hindi ito maaaring maging dahilan upang ang isang tao ay maligtas sapagkat di-umano ang kaligtasan ay nanggagaling sa pananampalataya lamang.

Ating tatalakayin sa post na ito kung ang Biblia ba ay itinuturo ang doktrinang ito: na sa pamamagitan ng pananampalataya lamang ba maliligtas ang isang tao. Bago tayo magpatuloy at talakayin ang mga batayan ng mga kaibayo natin sa pananampalataya ukol sa paksa natin, nais kong ipapansin sa inyo ang sumusunod na talata mula sa sulat ni Santiago, sa 2:24:

Santiago 2:24 (MBB)

“Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang.”

Tanging sa talatang ito (sa mga literal na salin ng Biblia) makikita ang salitang “pananampalataya” at “lamang”. Kung titignan natin ang konteksto ng talata, sa Santiago 2:14-26, tinatalakay ni Apostol Santiago ang kaugnayan ng mga gawa at ng pananampalataya. Ang nabasa natin ay ang pagtatalakay ni Apostol Santiago tungkol kay Abraham (Santiago 2:21-23). Tinatalakay niya dito na si Abraham ang isang huwarang halimbawa upang sundin: sapagkat ipinakita niya ang kaniyang pagka-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya AT ng gawa.

Ang simbahang katolika ay matatag sa paniniwalang ito: na ang mabuting mga gawa ay kailangan upang ang isang tao ay maligtas. Itinatanggi ng simbahang katolika na hindi importante ang pananampalataya: bagkus ito ay may malaking gampanin upang ang isang tao ay maligtas. Ano ba ang turo ng simbahang katolika tungkol sa kaligtasan? Ayon sa katesismo ng simbahang katolika, ang kaligtasan ay natatamo mula sa pagbibigay-katwiran sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Ang biyayang ito ay libre na ibinigay sa atin ng Diyos noong tayo ay tumanggap ng sakramento ng bautismo (sapagkat wala tayong ginawang anuman upang tanggapin natin ang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos), ngunit ang biyayang ito ay kailangan maitaguyod habang tayo ay nabubuhay pa: sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa na naaayon sa kagustuhan ng ating Diyos.

Ano ba ang mga turo ng Biblia tungkol sa kaligtasan? Sa Mateo 19:16, itinanong ng isang mayamang binata ito: "Guro, ano pong kabutihan ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?" Ano ang sagot ni Jesus tungkol dito? ang sabi niya: “Kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga Kautusan ng Diyos.” Sa konteksto ng kanilang usapan, si Jesus ay tumutukoy sa mga sampung utos ng Diyos na ibinigay niya kay Moises sa bundok ng Sinai (Mateo 19:18-19). Kung ang kaligtasan ay natatamo sa pamamagitan ng pananampalataya lamang, sana sinabi ni Jesus dito sa binata na paniwalaan lamang siya at siya ay magtatamo ng buhay na walang hanggan. Ngunit hindi niya sinabi ito. Ang sinasabi ni Jesus na “sundin mo ang mga Kautusan ng Diyos” ay ang mga gawa na nakakalugod sa Diyos, katulad ng sinabi sa talatang 18 na “huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan;”. Ibig sabihin, kailangan maitaguyod ang mga mabubuting mga gawa upang matamo natin ang kaligtasan.

Isa pang halimbawa na ang mabubuting mga gawa ay kasama sa batayan upang ang isang tao ay maligtas: sa Mateo 25:31-40, tinatalakay ni Jesus dito ang kaniyang gagawin sa araw ng paghuhukom sa mga gumawa ng mabubuting mga bagay:

Mateo 25:31-40 (MBB)
31 "Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.' 37 "Sasagot ang mga matuwid, 'Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?' 40 "Sasabihin ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.'

Nais kong ipapansin sa inyo ang sumusunod: binibigyang-diin ng ating Panginoong Jesu-Cristo na ang gumagawa ng mga mabubuting mga bagay sa mga “alagad” ni Jesus (sa mas literal na salin, “mga kapatid” o ἀδελφῶν [adelphōn]), ginawa na din natin sa kaniya. Kanyang ipinapaliwanag na ang mga mabubuting mga gawa ay kasama sa mga sinusukat upang malaman kung karapat-dapat

Sa kabuuan ng bagong tipan, hindi lamang ang pananampalataya ang binibigyan ng pansin (ilan sa mga talinghaga na tumatalakay sa pananampalaya ay ang talinghaga ng manghahasik) ngunit binibigyan din ng pansin ang pagtuturo ng mga mabubuting mga gawa, lalong lalo na sa mga talinghaga ni Jesus noong siya ay narito pa sa lupa katulad ng “Ang mabuting Samaritano” (Lucas 10:25-37) at “Ang mapagwaldas na anak” (Lucas 15:11-32). Sa makatuwid, ang ebanghelyo ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi lamang nakasentro sa pananampalataya, kundi umiikot din ito sa pagtuturo ni Jesus na gumawa ng mabuti sapagkat dahil sa mga ito tayo ay makakakamit ng buhay ng walang hanggan.

Ipagpapatuloy natin sa susunod na post ang pagtalakay sa paniniwalang Protestante na ang pananampalataya lamang ang makakapagligtas sa isang tao, na may pagtalakay sa mga batayan ng mga Protestante kung bakit nila pinaniniwalaan ang kanilang doktrina, at ang tamang tugon nating mga Katoliko tungkol doon.

No comments:

Post a Comment