Hanapin sa Blog na ito:

Friday, January 29, 2016

ANO ANG IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO? (Isang pagsusuri sa Biblia) Part 3 - Ano ang naging kapalaran ng unang iglesia na itinatag ni Cristo?

ANO ANG IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO?

(Isang pagsusuri sa Biblia)


Part 3 - Ano ang naging kapalaran ng unang iglesia na itinatag ni Cristo?


 

Sa mga nakaraang mga post ay tinalakay natin kung sino ang naging haligi ng unang iglesiang itinatag ni Jesu-Cristo: ang kaniyang apostol na si Simon Pedro. Bilang ang “Bato” kung saan itinayo ni Jesus ang kaniyang iglesia, si Apostol San Pedro ang tumayong pinuno ng iglesia noong unang siglo. Napag-aralan din natin ang kapamahalaan ni Pedro bilang taga-hawak ng susi ng kaharian ng langit at siyang pinagkatiwalaan na pamahalaan ang iglesia na itinatag ni Cristo dito sa lupa.

Ang tuligsa ng marami sa ating mga kaibayo sa pananampalataya ay ang iglesiang itinatag noong unang siglo di-umano ay nagsimulang magturo ng mga maling aral. Ayon sa kanila, nagkaroon ng malaking pagtalikod simula noong namatay na ang mga Apostol. Nagsimula na daw magturo ng mga ibang mga doktrina ang mga pumalit sa kanila hanggang sa iba na ang nakagisnan na turo natin.

Sa post na ito, tatalakayin natin kung ano ba talaga ang naging kapalaran ng unang iglesia. Susuriin natin kung totoo nga ba na natalikod ang unang iglesia.

Una natin pag-aralan ay ang mga pangako ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa kaniyang unang iglesia. Sinabi niya kay Apostol Pedro sa Mateo 16:18, siya ay magtatayo ng iglesia at “ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya.” Sa mas literal na salin, ang “daigdig ng mga patay” ay “Hades” (sa saling ‘Ang Biblia’). Ito ay ang katumbas na salita sa wikang Griyego para sa salitang Hebreo na “Sheol” na noong panahon ni Jesus, ang ibig sabihin ng Hades o Sheol sa paniniwalang Judaismo ay ang “lugar ng mga namatay na tao”. Kung gayon, ang ibig sabihin ni Jesu-Cristo nang sinabi niya na “ang pintuan ng Hades ay hindi makakapanaig laban dito” ay ganito: ang kaniyang iglesia na itatayo kay Pedro ay hindi makakatikim ng kamatayan. Ito ay isang napakahalagang salaysay sapagkat binibigyan niya ng linaw ang buong pagbabasbas ni Jesu-Cristo kay San Pedro sa Mateo 16:17-19. May tatlong punto ang nais kong ipapansin sa inyo sa pahayag ni Cristo: 1.) Mayroon siyang itatayong iglesia (at tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang iglesiang ito ay itinayo kay San Pedro) 2.) Ang pintuan ng Hades (daigdig ng mga patay) ay hindi makakapanaig sa iglesia na itatatag ni Jesu-Cristo at 3.) Ipinagkatiwala niya kay Apostol Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit, tanda ng kanyang kapamahalaan sa unang iglesia.

Isa din sa mga pangako ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kasama niya tayo “hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:20). Basahin natin ang isang sipi mula sa Mateo 28:16-20:

16 Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. 18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon."

Ang ating binasa ay ang dakilang pagsusugo ni Jesus sa kaniyang mga apostol nang siya ay nabuhay muli. Ating pansinin, na sa muling pagkabuhay ni Cristo ay naibigay na sa kaniya ang “lahat ng kapangyarihan sa langit sa langit at lupa”. Ito ang pagbubunyag na sa muling pagkabuhay si Cristo, natupad na ang lahat ng kaniyang pakay dito sa lupa. Sa kapangyarihan na ito, ang kaniyang mga apostol ay kaniyang inutusan na gawing mga alagad o mga disipulo ang mga tao sa lahat ng bansa. Hindi lamang isang desisyon ng mga apostol ang pagpapalaganap ng iglesia; bagkus ito ay sa utos na din ni Cristo. Huli niyang sinabi na “ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” Kaniyang sinabi ito sa mga kaniyang mga apostol at sa kanilang mga magiging disipulo na makakasama natin siya hanggang sa katapusan ng panahon. Ibig sabihin, hindi papabayaan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na ang kaniyang bayan ay mawala sa mundo. Hindi hahayaan ng ating Panginoon na mawala ang kaniyang iglesia dito sa lupa. Tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang iglesia Katolika ang tanging iglesia na pinapatunayan ng ating kasaysayan: ang iglesia na sa simula pa lang ay nandiyan na.

Tanong naman ng karamihan, ano na ang nangyari sa iglesia noong unang siglo pagkatapos mamatay ng mga Apostol? Ang sagot: hindi kasamang namatay ang iglesia kasama ng mga Apostol. Bakit? Sapagkat, tayong mga Katoliko ay naniniwala sa “Paghahalili sa Pagka-Apostol” o sa ingles ay “Apostolic Succession”. Ang “Paghahalili sa Pagka-Apostol” ay isang konsepto kung saan ang mga apostol ay nagkakaroon ng tagapagmana ng kanilang  ministeryo at mga tungkulin. Ito ay upang ipagpatuloy at mapangalagaan ang mga aral na itinuro ng ating Panginoong Diyos.

Ano ang mga katunayan sa Biblia na ito ay nagaganap? Ating basahin sa Gawa ng mga Apostol sa 1:16-17 at 21-22:

16 "Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.


21-22    Kaya't dapat tayong pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit."

Ang kaganapan na ating binasa ay ang pagtatalaga ng kapalit ni Judas Iscariote, ang taksil sa mga apostol ni Jesus. Mababasa natin na mayroong pumalit sa “tungkulin” ni Judas Iscariote (tl. 20). Sa pagkakataong ito, napili ng mga apostol si Matias upang magpatuloy ng nabakanteng tungkulin ni Judas Iscariote. Ang banal na tungkulin na

Isa pang halimbawa ng “Paghahalili sa Pagka-Apostol” ay ang isang pahayag ni Apostol San Pablo kay Timoteo sa kaniyang ikalawang sulat sa kaniya. Ayon sa II Timoteo 2:2, sinasabi ni Apostol Pablo kay Timoteo ito: “Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ituro mo rin sa mga taong mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo naman sa iba.” Ano ang bilin ni San Pablo dito? Siya ay nagbibilin na ipasa ang mga turo sa mga taong mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo naman sa iba: sa isang taong kayang magpatuloy ng totoong aral na namana sa orihinal na nagturo: si Jesu-Cristo. Nais kong ipapansin na hindi lamang sa taong mapagkakatiwalaan; bagkus ito ay ituturo din sa may kakayahang magturo. Kung ano ang itinuro sa iyo, ipasa mo kung sino ang may kakayahan na ipasa din ito. Ito ang konsepto ng “Paghahalili sa Pagka-Apostol”: ang mga aral at tungkulin ay naipapasa sa mga karapat-dapat na mga tao na hahalili sa kanila kapag sila ay wala na. Ito din ay para maipagpatuloy din ang nasimulang iglesia na nagsisilbing tanda ng kaharian ng langit dito sa lupa.

Tayong mga Katoliko ay naniniwala na sa pagsusugo ni Jesus sa mga apostol upang maging alagad nila sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ang mga tao sa lahat ng bansa, itinatag ni Cristo ang kaniyang iglesia sa pamamagitan ng “Paghahalili sa Pagka-Apostol.” Para malaman natin kung sino ang tunay na iglesia na itinatag ni Cristo, kailangan hanapin natin kung sino ang tagapagmana ng mga apostol ngayon. Sa kadahilanang si Pedro ang inatasan na maging “bato” ng iglesia noong ito ay itinatag, dapat nating hanapin kung sino ang tagapagmana ng pagka-apostol ni Pedro. Alam natin na sa kasaysayan ang Santo Papa ng Simbahang Katolika ay ang tiyak na tagapagmana ni Apostol San Pedro: mula sa kaniya hanggang kay Pope Francis ay may mahabang linya ng mga nagsilbing Santo Papa at nagpatuloy ng buhay na iglesia dito sa lupa. Tayo ay nagagalak sapagkat ang iglesia na naroon na noong simula pa lang, nandito pa din sa lupa. Tayo ay lubos na nagagalak sapagkat ang pangako ni Jesu-Cristo na “ang pintuan ng Hades (lugar ng mga patay) ay hindi makapananaig sa kaniyang iglesia” (Mateo 16:18) at kasama niya tayo “hanggang sa katapusan ng panahon”. (Mateo 28:20)

Nawa’y marami kayong natutunan sa aking post. Lahat ay maaaring magkumento ukol sa isyu na ito, ngunit pakiusap ko ay huwag idaan sa galit o poot ito; sa halip ay idaan natin ito sa maayos na diskurso at pakikipag-usap. Kung kayo ay may mga katanungan, huwag kayong mag-atubili na mag-message sa akin dito sa Facebook.



Natapos na po ang serye ng mga post na “ANO ANG IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO? (Isang pagsusuri sa Biblia)”. Abangan po ninyo ang susunod na serye ng mga post na pinamagatang “MGA PANINIWALANG PROTESTANTE” (Isang pagsusuri sa Biblia)”. Ang mga susunod na mga post ay tatalakay sa mga karaniwang paniniwala ng mga kapatid nating mga Protestante at aalamin natin kung ito’y angkop ba talaga sa tinuturo ng Biblia.

No comments:

Post a Comment