Hanapin sa Blog na ito:

Monday, January 25, 2016

ANO ANG IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO? (Isang pagsusuri sa Biblia) Part 2 – May kapamahalaan ba si Pedro bilang pinuno ng mga Apostol at ng Unang Iglesia?

ANO ANG IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO?

(Isang pagsusuri sa Biblia)


Part 2 – May kapamahalaan ba si Pedro bilang pinuno ng mga Apostol at ng Unang Iglesia?


Sa unang bahagi, tinalakay natin ang paniniwalang Katoliko na ang Batong tinutukoy sa Mateo 16:18 ay si Pedro. Siya ang gagawing haligi ng ating Panginoong Jesu-Cristo ng kaniyang itatayong iglesia dito sa lupa.

Sa post na ito, tatalakayin natin ang bahagi ni Apostol San Pedro sa pagtatatag ng Iglesia ni Jesu-Cristo dito sa mundong ito.
Sa mga pagpapakilala ng mga apostol sa Biblia, ang pangalan ni Pedro ang palaging unang ibinibigkas (Mateo 10:2; Marcos 3:16; Lucas 6:14; Gawa 1:13). Ang pangalan ni Simon Pedro ay naibanggit sa Biblia nang 191 beses. Ito ay higit pa sa pinagsama-samang pagbabanggit ibang mga apostol maliban sa kaniya. Ito ay nagpapahiwatig na malaki ang gagampanin ni Apostol San Pedro sa adhikain ng ating Diyos.

Katulad ng ating natalakay sa unang bahagi, ibinigay ni Jesu-Cristo ang susi ng kaharian ng langit kay Pedro (Mateo 16:19). Kung susuriin natin ang talata, ito ay nagpapahiwatig ng pagbibigay ng awtoridad sa isang tao sa kaniyang mga pag-aari. Sa Isaias 22:22, sa kontekstong paggawad ng pahintulot na mamahala ng kaharian bilang kahalili ng hari, nakasulat na “Ibibigay ko sa kanya ang susi ng sambahayan ni David; walang makakapagsara ng anumang buksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya.” Ang kapamahalaang ito na ininahiwatig sa talatang na “walang makakapagsara ng anumang buksan o makakapagbukas ng anumang sarhan niya.” Ang paksang “ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit” ay isang pahayag na nagbibigay din ng karapatan para sa isang tao na gumanap na kahalili ng taong may-ari ng isang bagay: ngunit sa kasong ito hindi lamang kaharian sa lupa ang ipinapahintulot, kundi ang kaharian ng langit. Bagamat sinabi din ang pahayag na ito ni Jesus sa iba pang mga Apostol (Mateo 18:18), tanging kay San Pedro lamang ipinagkatiwala ang mga susi ng kaharian ng langit. Bagamat may karapatan din ang lahat ng apostol na mangalaga ng iglesia ni Jesu-Cristo dito sa lupa, nananatili pa din kay Apostol San Pedro ang pinaka-malaking tungkulin upang pangasiwaan ang iglesia.

Ano ang mga katunayan na may kapamahalaan nga si Pedro? Nang umakyat na sa langit si Jesus, si Apostol San Pedro na ang tumayong pinuno ng iglesia. Sa libro ng Gawa ng mga Apostol, sa 1:12-26, siya ang nanguna sa mga apostol upang ipaalam ang nabakanteng tungkulin na nakalaan sana para kay Judas ay kailangan mapunan. Sa 2:14-42 naman, sa araw na bumaba ang Espiritu Santo sa mga Apostol bilang mga dila ng apoy noong Pentecostes, siya ang naghayag ng pagkakatatag ng iglesia at simula ng kanilang gampanin na ipahayag sa buong mundo ang ebanghelyo ni Jesus. Marami pang pagkakataon na nagsalita si Pedro sa harap ng madaming tao bilang isang taong may kapangyarihan at nagsisilbing kinatawan ng buong iglesia.
Ang pinakamalakas na ebidensya ng “pagbabawal at pagpapahintulot sa lupa, gayon din sa langit” ay makikita natin sa Gawa 15, na siyang nagsasalaysay sa isang malaking pagpupulong sa Jerusalem. Ating basahin ang mga talatang 6 hanggang 12:

Gawa 15:6-12 (MBB)
Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, "Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. Ang Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap din niyang tulad natin nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo. Iisa ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat sila'y nanalig kay Jesu-Cristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus; gayundin naman sila." Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila.

Ang naging problema noong mga panahong iyon ay ang patuloy na pagdami ng mga Gentil na nais pumasok sa iglesia. Madami sa mga Judio na naging Kristiyano ang naniniwala na upang maligtas ang mga Gentil o upang tuluyan silang maging mga kaanib, sila ay dapat sumunod sa mga ipinag-uutos sa mga batas ni Moises. Bagamat sina Apostol San Pablo at San Bernabe ay tutol dito, wala sa kanila ang huling desisyon para sa bagay na ito: lalong lalo na sa napakalaking bagay na ito. Kaya, pagkatapos ng kanilang pakikipagtalastasan sa mga Judio (tl. 2) ang kapatiran ay nagpasiyang ipadala sina Pablo at Bernabe sa Jerusalem upang mabigyan ng solusyon o malaman kung ano ba ang magiging susunod na hakbang ng iglesia. Ang kristyanismo ba ay mananatili bilang isang sekta ng Judaismo? O ito ay magiging isang relihiyon na natatangi sa Judaismo? Ang pinakamabigat na desisyon na ito ay si Apostol Pedro ang nagpasiya.

Ang hatol? Papayagan ang mga Gentil na pumasok sa iglesia kahit na hindi na nila sundin ang mga kautusan ni Moises hangga’t ang kanilang pananampalataya ay dalisay. Nais kong ipapansin sa inyo na sa hatol niyang ito, “Tumahimik ang buong kapulungan”. Bakit? Sapagkat kung ano ang ipagpasiya ni Apostol Pablo dito sa lupa bilang kahalili ng ating Panginoong Diyos, iyon ang masusunod (Ito ang doktrina ng Papal Infalliability o ang walang kamaliang kakayahan ng Santo Papa, na tatalakayin natin sa hinaharap). Ang pagpapasiyang ito ni Apostol San Pedro ang katunayan na nasa kaniya nga ang “mga susi ng kaharian ng langit”.

Malinaw sa Biblia na binigyan ng kapamahalaan si Pedro sa iglesia noong una. Oo, si Pedro ay tao lamang: sinungaling (Mateo 26:33-35, Marcos 14:29-31, Lucas 22:33-34, at Juan 13:36-38) at kung minsan ay humihina ang pananampalataya (Mateo 14:22-33). Ngunit ating ipagdiwang na ang Panginoong Jesus natin mismo ang pumipili ng mga makakasalanang mga taong katulad natin at katulad ni Pedro. Ang mahalaga ay ang pag-ibig natin sa diyos at ang kagustuhan at pagbabagong buhay na taos sa puso.

Sa dulo ng ebanghelyo ni Juan, nakasulat ang pag-uusap nina Jesus at ni Pedro.

Juan 21:15-19 (MBB)
Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?” “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo, tugon niya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, ‘Mahal mo ba ako?’ At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na di mo gusto.” Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paanong mamamatay si Pedro at kung paano niya pararangalan ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!”

Sa pahayag na ito, mapapansin natin na tatlong beses siya tinanong ni Jesus kung mahal ba siya ni Pedro. Ito ay isang pahapyaw na pagtukoy at pagpapaalala sa tatlong beses na pagtatanggi niya na kilala niya si Jesus. Nais kong ipapansin na sa bawat tanong ni Jesus at pagsagot ng oo ni Pedro, sinasabi ni Jesus sa kaniya na “pakainin o alagaan niya ang kaniyang mga tupa.” Ang mga tupa ni Jesus ang mga tao na bumubuo sa kaniyang iglesia. Ipinagkakatiwala ni Jesus kay Apostol Pedro ang mga tupa ng Panginoon upang siya naman ang magpastol sa kanila samantalang si Jesu-Cristo ay nasa langit pa.

Sa mga pag-aaral at pagsasaliksik natin sa Biblia napatunayan natin na si Pedro ay mayroong gampaning itinalaga mula sa Diyos. Tunay tayong sumasampalataya sa mga sinabi ni Jesus na ito ang nais niyang mangyari: ang magtayo ng isang iglesia dito sa lupa at magkaroon ng tagapamahalang mag-aalaga ng kaniyang mga tupa. Siya ay si Pedro. At sinasampaltayanan natin na ang iglesiang itinayo ni Cristo ay itinayo niya kay Pedro.

Umaasa ako na nakatulong ako sa inyong pagsasaliksik sa kung ano ba talaga ang turo ni Jesus. Kung kayo po ay may mga katanungan pa, huwag pong magalinlangang i-PM ako dito sa facebook.

1 comment:

  1. Casino | Dr.MCD
    Casino - 익산 출장안마 Find out everything you need to 서귀포 출장안마 know about it before you play. No deposit 김제 출장마사지 and play at 안양 출장샵 the best casino! 충청북도 출장안마 We have more than 50000 slot machines to

    ReplyDelete