ANO ANG IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO?
(Isang pagsusuri sa Biblia)
Part 1 - Isang pagsusuri sa Mateo 16:18: Si Pedro ba ang “Bato” kung saan itinayo ang iglesiang itinatag ni Cristo?
Tayong mga Katoliko ay sumasampalataya at naniniwala na ang simbahang Katoliko ang iglesiang itinatag ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ito ay pinapatotohanan ng ating kasaysayan, mula noong mga panahon ng mga apostol hanggang sa panahon natin ngayon. Ngunit, tanong ng marami, nasa Biblia nga ba ang katunayan na ito ang tunay na iglesiang itinatag ni Cristo. Bilang mga Katoliko, naniniwala tayo sa paglalagay ng kinatawan ni Cristo dito sa lupa: ang Santo Papa. Tayo din ay naniniwala na ang unang Santo Papa ay si Apostol San Pedro. Totoo ba na ang Panginoon ay naglagay ng kaniyang kahalili dito sa lupa? Si Apostol San Pedro nga ba ang unang Santo Papa? Ang iglesia Katolika nga ba ang tunay na iglesia ni Cristo?
Sa post na ito ay tatalakayin natin kung si Apostol Pedro nga ba ang “Bato” sa Mateo 16:18 na kung saan itatayo ni Jesus ang kaniyang iglesia.
Unahin muna nating basahin ang isang sipi mula sa Mateo 16:13-20 :
13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?" 14 At sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta." 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?" 16 Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit." 20 At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.
Bigyan natin ng pansin ang talatang 16:18, na kung saan sinabi ni Jesus kay Pedro na “At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya.” Bakit sinabi ito ni Jesu-Cristo? Dahil ito ay ang tugon ni Cristo sa pag-amin ni Pedro sa kaniya na siya ang Cristo o ang Mesias (messiah). Mababasa natin sa talatang 17 ang paghahayag ng bendisyon kay Pedro bilang tugon sa kaniyang sinabi. Ang interpretasyon ng Mateo 16:18 ayon sa ating mga Katoliko ay ito ang deklarasyon ni Jesu-Cristo na si Pedro ang bato kung saan itatayo niya ang kaniyang iglesia. Ngunit, mayroong mga nagsasabi na ang batong ito ay hindi si Pedro. Sinasabi ng karamihan sa mga ebangheliko (born-again) na ang “Bato” di umano ay ang mismong pag-amin ni Apostol Pedro na si Jesus ang Cristo, samantalang ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo (ni Manalo) ay naniniwala na ang batong ito mismo ay si Jesus.
Nais kong ipapansin na ang pangalang PEDRO ay hindi ang kaniyang tunay na pangalan: isang titulo o pangalan ang PEDRO na ibinigay ni Jesus sa kaniya. Sa Juan 1:42, sinabi niya na "Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas.” Nakasaad din sa talatang ito na ang ang Cefas o Κηφᾶς (Kephas) na isang salitang Aramaico, ay may katumbas na salita sa Griyego: Pedro o Πέτρος (Petros).
Ating talakayin ang salitang Griyego sa Mateo 16:18 (ang wika kung saan isinulat ang Bagong Tipan). Mapapansin natin na mayroon ngang pagkakaiba ang pangalang “PEDRO” at “BATO” sa nasabing talata. Dito, ang salitang “PEDRO” ay Πέτρος (PETROS) samantalang ang “BATO” ay πέτρᾳ (PETRA): ang salitang PETROS ay isang panlalaking turing sa salitang bato sa Griyego habang ang salitang Petra ay pambabae naman (mayroong ganitong katangian ang wikang Griyego). Ang iba pang kahulugan ng PETROS ay “isang maliit na bato” habang ang PETRA ay “isang malaking bato.” Ito ay isa sa mga dahilan kaya hindi naniniwala ang ating mga kaibayo sa pananampalataya na hindi si “PEDRO” ang “BATO” na tinutukoy sa Mateo 16:18.
Ano ang tugon nating mga Katoliko dito? Una, hindi Griyego ang pangkaraniwang salitang ginagamit noong panahon ni Jesus: ito ay ang wikang Aramaico. Ang salitang Aramaico na “KEPA” ay walang mga “kasarian” (na mayroon sa wikang Griyego). Maaaring nagkaroon ng pagkakaiba sa wikang Griyego (petros vs. petra) dahil hindi angkop na gamitin ang salitang “PETRA” bilang pagtuturing sa isang pangalan ng lalaki sapagkat ito ay isang salitang “pambabae”. Kung ating isasalin ang pahayag na ito sa wikang Aramaiko, ang magiging katumbas nito sa wikang Filipino ay “ikaw ay KEPA, at sa ibabaw ng KEPA na ito ay itatayo ko ang aking iglesya”. Makikita natin na kung pakikinggan siguro natin si Jesus nang siya ay nagsasalita kay Pedro, malinaw na malinaw na siya ang “BATO” na tinutukoy kung saan itatayo ni Jesus ang kaniyang iglesia.
Kung susundin naman natin ang paliwanag ng mga karamihan sa mga ebangheliko, na kung saan sinasabi nila na ang “BATO” ay ang pag-amin ni Pedro, mawawalan ng saysay ang pagpapala ni Jesus kay Pedro. Bakit? Pag-aralan natin ang mga sumusunod na talata:
17 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit.
18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya.
19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit."
Ang tugon ni Jesus nang inamin ni Pedro na siya ang Cristo ay maaari nating hatiin sa tatlong bahagi. Sa unang pahayag (talatang 17), binabasbasan niya ng pagpapala si Pedro dahil sa kaniyang pag-amin. Malinaw na isang pagbabasbas ito o isang bagay na nagpapaangat kay Pedro. Ang ikatlong pahayag naman (talatang 19) ay isang paggawad ng kapangyarihan kay Pedro, sapagkat “ibibigay ni Jesus ang mga susi ng kaharian ng langit” at, sa mas literal na salin ng Biblia ng pagbabawal at pagpapahintulot, “pagtatali at pagkakalag sa lupa, pagtatali at pagkakalag sa langit”. Malinaw na isa din itong pagbabasbas kay Apostol San Pedro sapagkat ibinibigay sa kaniya ang kapamahalaan sa lupa. Kaya, kung babasahin natin ang buong pahayag ni Jesus kay San Pedro at ipalagay natin na hindi si Pedro ang Bato, ganito ang magiging kalabasan: “(1)Mapalad ka Simon na anak ni Jonas, (2) Ikaw ay ‘PEDRO’ (maliit na bato), ngunit sa ‘BATONG’ ito (malaking bato) itatayo ko ang aking iglesia, (3) Ibibigay ko sayo ang mga susi ng kaharian ng langit.” Kung susundin natin ang palagay na hindi si PEDRO ang bato, lumalabas na binasbasan ni Jesus si Pedro sa talatang 17, minaliit niya siya sa talatang 18, at binasbasan niya ulit si Pedro sa talatang 19. Sa makatuwid, kung susundin natin ang interpretasyon na hindi si PEDRO ang BATO, lumalabas na sa pag-amin ni Pedro na si Jesus nga ang Cristo, siya ay binasbasan, minaliit, at binasbasang muli. Ang pagpapahayag ni Pedro na si Jesus nga ang Cristo ay karapat-dapat lamang bigyan ng kaukulang papuri. Kaya tayo, bilang mga Katoliko, ay naniniwala na sa pahayag na ito, binabasbasan ni Cristo si San Pedro. Ito ay magiging makahulugan lamang kung ang paniniwalaan natin na interpretasyon sa Mateo 16:18 ay si PEDRO ang BATO kung saan itatayo ni Jesu-Cristo ang kaniyang iglesia.
Ipagpapatuloy natin sa susunod ang iba pang pagtalakay kung alin ba talaga ang tunay na iglesia na itinatag ni Jesus.
-Juan Catolico
No comments:
Post a Comment