Hanapin sa Blog na ito:

Sunday, February 28, 2016


ANG PAGKA-DIYOS NI CRISTO

(Isang pagsusuri sa Biblia at Kasaysayan)

Part 2 – Si Cristo ba ay tao lamang?

Sa nakaraang post, tinalakay natin ang isa sa mga pinaka-saligan ng pananampalataya sa Biblia na nagpapatunay na si Cristo ay tunay na Diyos. Siya ang walang hanggang Salita ng Diyos: ang Anak ng Diyos. Sa nakaraang post, pinatunayan natin ayon sa Juan 1:1-3 at 14 na si Jesu-Cristo ay Diyos ayon sa pag-aaral natin.

Ngunit, sabi ng ilan, malinaw di-umano sa Biblia na itinangi ang Panginoong Jesu-Cristo bilang isang tao sa Diyos. Ating tatalakayin ang mga talatang ito (lahat ng sumusunod na talata ay isinipi mula sa saling Ang Biblia):

I Timoteo 2:5
“Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang TAONG si Cristo Jesus,”

Juan 8:40a
“Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan,”

Mateo 1:20b
“Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-TAO ay sa Espiritu Santo”

Ang Simahang Katolika ay hindi itinatanggi ang katotohanang ito: na si Cristo ay isang tao. Ngunit, maraming beses na nating nilinaw na si Jesu-Cristo ay totoong tao AT totoong Diyos. Ito ay isa sa mga misteryo ng ating pananampalataya: kung paanong ang Diyos ay nagkatawang tao na tumahan kasama natin. Ang mga nasabing mga talata ay binibigyan lamang ng puna ang pagka-tao ni Jesu-Cristo, ngunit hindi nito ibig sabihin na si Cristo ay tao lamang. Mahalagang suriin natin ang konteksto ng mga nasasabing talata upang malaman natin kung ano ba talaga ang dahilan bakit sa Biblia binigyan ng pansin ang pagkatao ni Jesus.

Sa I Timoteo 2:5, ang konteksto nito ay ang pagbibilin ni Apostol San Pablo sa kanyang alagad at kamanggagawang si Timoteo na sa kanilang mga panalangin ay ialay sa lahat ng mga tao sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Para sa konteksto, basahin ang I Timoteo 2:1-6. Nais nating linawin na hindi sinabi sa talatang ito na si Cristo ay hindi Diyos bagamat siya ay ay ang “taong tagapamagitan.” Bakit binigyan ng pansin ang pagiging tao ni Cristo dito? Dahil siya ang “tagapamagitan” ng Diyos at tao. Sa panig natin, siya ay nakilala natin bilang isang tao. Ngunit upang maging isang tunay na tagapamagitan, siya ay dapat maging isang persona na kayang iparating ang ating gustong sabihin. Tulad ng isang tagasalin ng ibang wika na may kaalaman sa dalawang wika, ang Panginoong Jesu-Cristo ay totoong tao AT totoong Diyos. Nagiging makabuluhan lamang ang pagiging tagamapagitan ni Jesus sapagkat siya ay parehong tao at Diyos.

Sa Juan 8:40, ang konteksto nito (Juan 8) ay ang pagtatanong ng mga Judio sa pagtatawag ni Cristo na Ama sa Diyos. Ito ang dahilan kaya gustong patayin ng mga Judio si Cristo: sapagkat itinuturing nila na si Cristo ay nakikipantay sa Diyos sa pagtawag dito na Ama (Juan 5:18) na isang katagang itinuturing na kalapastangan kung ikaw ay isang tao lamang. Sa puntong ito, pinupuna ng mga Fariseo si Jesus tungkol sa kaniyang pagtawag na Ama sa Diyos, at ihinahambing nila na kanilang mga sarili na ang Ama naman nila ay si Abraham (tl. 8:39). Pinupuna ni Jesus na bagamat ito ang kanilang sinasabi, hindi naman nila isinasabuhay ang mga utos ni Abraham sapagkat nais nilang patayin ang isang babaeng nagkasala sa pagkakalunya (tl. 8:1-11). Sa paghahambing, si Cristo naman ay isinasalaysay ang kaniyang relasyon sa Ama, at kung paanong siya ang sumusunod sa utos ng Diyos. Sa pagpunang ito, inaakusahan ng mga Fariseo si Jesus na siya ay mas higit pa kaysa kay Abraham, sapagkat sinabi ni Jesus na nagalak si Abraham noong nakita niya si Jesus (tl. 8:56). Sa pahayag na ito, tinanong ng mga Judio si Jesus na “Wala ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham?” (tl. 8:57). Ang sagot ni Jesus? Sinabi niya na “Bago ipinanganak si Abraham, ay AKO NGA.” Ang “AKO NGA” sa Griyego ay “eigo eimi” na ang ibig sabihin ay “Ako Nga” sa literal na salin at “Ako ay Umiiral”. Ang pahayag na ito ang nagpapatunay na si Cristo, bago pa ang kaniyang pagdating dito sa mundo, ay umiiral na bilang Diyos, kaya siya ay nakita ni Abraham at nagalak. Ito din ang intindi ng mga Judio dito, kaya siya ay kanilang pinagbabato (tl. 8:59).

Sa Mateo 1:20, ang konteksto naman ay ang kapanganakan ni Jesus. Mga mahalagang punto tungkol sa talata: una, si Maria ay nagdalang tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang ikatlong persona sa banal na Trinidad. Ang kalikasan ng kaniyang kapanganakan ay nagpapahayag na si Jesus ay hindi isang ordinaryong tao sapagkat siya ay ipinanganak sa pamamagitan ng Birheng Maria AT ng Espiritu Santo. Sa pagdating ni Jesus sa mundong ito, matuturing na ang Diyos ay pumarito na din, sa pagsasabi na din sa talatang 23 na siya ang Emmanuel, “na kung liliwanagin, ay Kasama natin ang Diyos”.

Friday, February 19, 2016

ANG PAGKA-DIYOS NI CRISTO
(Isang pagsusuri sa Biblia at Kasaysayan)

Part 1 – Si Jesu-Cristo ba ay Diyos ayon sa Juan 1:1-3 at 14?



Hindi kaila sa atin na ang ilan sa mga kaibaiyo natin sa pananampalataya ay hindi naniniwala na si Cristo ay tunay na Diyos. Ang ilan sa kanila, katulad ng mga Iglesia ni Cristo (1914) at ng mga Jehovah’s Witnesses, ay naniniwala na si Jesu-Cristo di umano, bagama’t siyang tagapagligtas ng ating mga kasalanan at tagapamagitan sa Ama, siya ay TAO lamang.

Tayong mga Katoliko ay hindi itinatanggi na si Cristo ay isang tao. Ngunit, para sa atin, si Jesus ang Cristo, ang Mesias, ang Diyos na nag-katawang tao at tumahan kasama natin, ang walang hanggang Salita ng Diyos. Siya ang ikalawang persona sa banal na Trinidad, ang Diyos Anak.

Sa mga susunod na serye ng mga post tatalakayin natin kung bakit tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang Panginoong Jesu-Cristo ang tunay na Diyos na nagkatawang-tao.

Bago ang lahat, nais ko munang sagutin ang mga mahalagang konsepto sa likod ng banal na Trinidad. Ito ang mga sumusunod:

1.) Mayroon lamang isang Diyos
2.) Ang Diyos ay may Tatlong Persona
3.) Ang Bawat Persona ay tunay na Diyos
4.) Ang Ama ay hindi ang Anak o ang Espiritu Santo
5.) Ang Anak ay hindi ang Ama o ang Espiritu Santo
6.) Ang Espiritu Santo ay hindi ang Ama o ang Anak

Upang mapatunayan na ang mga paratang na si Cristo ay hindi Diyos, kailangang mapatunayan ng mga tumutuligsa sa aral ng Banal na Trinidad ang isa sa mga konsepto na naglalarawan sa doktrina ng Trinidad. Ang konsepto ng banal na Trinidad, bagamat hindi tuluyang sinabi sa Biblia, ay isang doktrina na sa mabusising pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mapapatunayang totoo nga. Lahat ng ito ay mapapatotohanan sa Biblia, lalong lalo na sa Bagong Tipan. Sa post na ito tatalakayin natin ang pagka-Diyos ni Cristo ayon sa pasimula ng Ebanghelyo ni Juan. Ang Ebanghelyo ni Juan ang ika-apat sa mga Ebanghelyo sa Biblia at ang siyang naiiba sa mga Ebanghelyo ni Mateo, Marcos, at ni Lucas sa takbo ng mga salaysay at mga pangunahing tema. Kung ang mga naunang mga Ebanghelyo ay binigyan ng diin ang pagiging tao ni Jesu-Cristo, ang Ebanghelyo ni Juan ay nagpapatotoo na si Jesus nga ang hinihintay na walang hanggang Salita (Logos) ng Diyos na nagkatawang tao, ang siyang Diyos Anak na nagkatawang tao at nanahan kasama natin.

Una nating basahin ang Juan 1:1-3, at 14 (saling Magandang Balita Biblia)

1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya; 14 Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

Ang “Salita” ay λόγος (logos) sa Griyego. Ito ay isinasalin ding “Verbo” sa ibang mga salin sa Filipino. Ano ba ang ibig sabihin ng λόγος (logos)? Kung ating susuriin sa konteksto ng mga naunang mambabasa ng ebanghelyo ni San Juan, ang ibig sabihin ng λόγος (logos) ay maaring “isipan” o “pananalita”. Ang tugon ng mga naniniwala na si Cristo ay hindi Diyos kapag tinatalakay ang talatang ito ay ganito: si Cristo ay nasa isip lamang ng Diyos nang lalangin niya ang mundo bilang isang bahagi ng balak ng Panginoong Diyos sa pagliligtas ng tao.

Ano ang tugon nating mga Katoliko dito? Una sa lahat, ang pasimula ni Juan sa kaniyang Ebanghelyo ay naglalaman ng mga importanteng talata na nagpapatotoo na siya nga ay Diyos:
1.) Nang Pasimula ay naroon na ang Salita – ito ay pahapyaw na ginagaya ang nakasulat sa Genesis 1:1 na ang nakasulat ay “Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa;”. Ang talatang ito ang nagpapatunay na si Jesus ay naroon na noong simula pa lamang: siya ay walang simula (Juan 8:58). Noong simula pa lamang ay niluluwalhati na ng isa’t isa ang Diyos Ama at ang Diyos Anak (Juan 17:5).
2.) Ang Salita ay kasama ng Diyos – ito ay naglalarawan na ang Salita ay naiiba o natatangi sa Panginoong Diyos. Ito ay sang-ayon sa konsepto at doktrina ng banal na Trinidad: ang Diyos Ama ay natatangi sa Diyos Anak (Salita)
3.) Ang Salita ay Diyos – ito ay nagpapatunay na ang Salita, bagama’t natatangi sa Diyos Ama, ay tunay na Diyos. (Juan 20:28)
4.) Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos – ang Salita, bilang naroon na noong simula pa lamang, ay kasama na ng Diyos noong simula pa lamang. Pansinin natin na ang pagtuturing sa Salita ay parang isang tao at hindi parang isang hamak na “pag-iisip” o “plano” lamang.
5.) Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya – ito ang talatang nagpapatunay na iisa lamang ang Diyos: na ang Diyos Anak, ang Salita, ay kasama sa paglilikha ng mundong ito, at walang anuman na nalikha ang nalikha kung wala siya: nagpapatunay sa kaniyang kahalagahan bilang tunay na Diyos. Kung hindi Diyos si Cristo, kahit wala siya ay kaya pa din lumalang ng Diyos Ama, ngunit hindi.
6.) Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin – ang Salita, bilang tunay na Diyos, ay naging tao at nanirahan sa piling natin. Siya ay totoong tao (Filipos 2:6-11) at totoong Diyos.

Abangan sa mga susunod pang mga post ang mga iba pang pagtalakay sa pagka-Diyos ni Cristo.



Wednesday, February 10, 2016


MGA PANINIWALANG PROTESTANTE
(Isang pagsusuri sa Biblia)

Part 3 – Ang Biblia lamang ba ang tanging batayan ng mga katotohanan na mula sa Diyos? [Sola Scriptura]



Sa mga nakaraang mga post, naitalakay natin ang isa sa mga pangunahing doktrina ng kilusang Protestantismo: ang Sola Fide o ang paniniwala na tanging ang pananampalataya lamang ang makakapagligtas sa isang tao. Ngayon, ating tatalakayin ang isa pa sa mga pangunahing doktrina ng mga Protestante: ang Sola Scriptura o ang paniniwala na ang tanging ang mga banal na kasulatan, ang Biblia, ang siyang tanging batayan ng pananampalataya o doktrina: anumang bagay na wala sa Biblia ay hindi maaaring gawing batayan ng pananampalataya sa kadahilanang ito ay walang kapamahalaan, walang kabuluhan, at mali. Ito ay taliwas sa paniniwalang Katoliko na ang Banal na Kasulatan, kasama ang Banal na Tradisyon, ang siyang mga batayan sa pananampalataya.



Ano ang Banal na Tradisyon? Ito ang buhay na pagpapasa ng mga turo ng mga apostol sa pamamagitan ng “Paghahalili sa Pagka-Apostol”. Tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang mga batayan ng katotohanan na inihayag ng ating Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay dalawa: ito ay ang Banal na Kasulatan (ang Biblia) at ang Banal na Tradisyon. Gayunpaman, ilan sa mga kapatid nating mga Protestante ang naniniwala na tanging ang Biblia lamang ang pinakabatayan ng pananampalataya. Ating susuriin ang mga batayan ng ating mga kapatid na Protestante at sasagutin natin ang mga ito. Atin ding susuriin na ang Biblia mismo ay hindi sinusuportahan ang ganitong doktrina.



Una sa lahat, ang “Sola Scriptura” o ang doktrina na nagsasabi na ang Biblia lamang ang tanging pinakabatayan ng pananampalataya sa isang Kristiyano ay lumabas lamang noong ika-16 na siglo noong ito’y ipinahayag ni Martin Luther (ang itinuturing na ama ng Protestantismo) noong hinamon niya ang mga turo ng Simbahang Katolika noong mga panahon na iyon. Sa paghamon niya sa simbahan, tanging ang mga banal na kasulatan na lamang ang mayroon siya: at ito na lamang ang kaniyang mga naging batayan sa pakikipagtuligsa sa kanila. Si Martin Luther ay tumanggi sa kapamahalaan ng iglesia katolika, sapagkat kaniyang pinaniwalaan na madaming mga bagay na itinuturo umano ng Biblia na



Tandaan natin, noong ang ating Panginoong Jesus ay umakyat sa langit, hindi siya nag-iwan ng mga kasulatan; bagkus siya ay nag-iwan ng labing-isang mga apostol (at ilang mga disipulo) upang mangaral ng kaniyang ebanghelyo o mabuting balita: na ang Cristo o Mesias ay namatay, nabuhay muli, at umakyat sa langit. Hindi siya nag-iwan ng mga kasulatan; nag-iwan siya ng mga aral at turo. Ang pagpapasa ng banal na paghahayag ng mga kaalaman ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ay naging kaugalian at kasanayan na ng mga sinaunang mga Kristiyano.



Bagamat gayon, marami sa ating mga kapatid na Protestante ay naniniwala ang doktrina ng “Sola Scriptura” ay makikita sa Biblia. Isa sa mga talata na ginagamit nila ay ang I Timoteo 3:16-17:



II Timoteo 3:16 (MBB)

16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.



Tayong mga Katoliko ay hindi itinatanggi ang nasabing talata; bagkus tayo din ay naniniwala na ang lahat ng mga banal na kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Ngunit, tayo ay hindi naniniwala na tanging sa mga kasulatan lamang tayo kumukuha ng mga batayan ng ating pananampalataya. Hindi din naman sinasabi sa talata na “lahat ng kasulatan ay ang TANGING gagagamit sa pagtuturo ng katotohanan (etc.)”. Ito ay sinabi upang ang lingkod ng Diyos ay maging karapat-dapat at handa sa lahat ng mga mabubuting gawain. Sinasabi niya kay Timoteo na pahalagahan ang mga kasulatan sa kaniyang pagmiministeryo ng mga salita ng Diyos, ngunit hindi niya sinabi na tanging ito lamang ang kaniyang gamitin.



Isa din sa mga katibayan di-umano na tanging ang mga banal na kasulatan lamang ang batayan ng mga pananampalataya ay ang nakasulat sa Gawa 17:10-12, kung saan nakarating sina Apostol San Pablo at ang kaniyang mga kasama sa Berea, kung saan itinuring silang mga taga-saliksik ng mga Kasulatan:



Gawa 17:10-12 (MBB)

10 Nang gabi ring iyon ay pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, sila'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio. 11 Mas bukas ang isipan ng mga Judiong tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. Wiling-wili silang nakikinig sa mga paliwanag ni Pablo, at sinasaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya. 12 Sumampalataya ang maraming Judio roon, gayundin ang mga Griego, pawang mga lalaki at mga babaing kilala sa lipunan.



Ang pahayag na ito ay naglalahad ng pagtuturo ni Apostol San Pablo sa iba’t ibang lugar sa imperyong  Roma na si Jesus ang Mesias. Kung babasahin natin ang talata, talagang aakalain natin na ang mga taga-Berea ay nagsasaliksik ng mga kasulatan upang mapatunayan na si Cristo nga ay pinatotoo sa pamamagitan ng mga kasulatan. Ngunit, ano ba ang mga kasulatan na sinasaliksik ng mga taga-Berea? Ito ay ang mga kasulatan mula sa lumang tipan, sapagkat noong mga panahong iyon wala pang itinalagang mga kasulatan sa nabibilang sa bagong tipan (na, sa katunayan, tinipon at idineklara na mga banal na kasulatan ng mga Katoliko). Ang talatang ito nga ay nagpapatunay na ang pagtuturo ni Apostol San Pablo ay hindi lamang sa mga kasulatan nakabatay; kundi siya din ay tumanggap ng mga aral na kinasihan din ng Diyos sa kaniya: na si Cristo ang katuparan ng mga nakasulat sa lumang tipan, at siyang nagtatag ng bagong siglo para sa bayan ng Diyos.



Ang mga apostol at ang sinaunang iglesia ay hindi naniniwala na ang lahat ng bagay ay nakasulat lamang sa mga kasulatan, sila ay naniniwala sa mga tradisyon na ipinapasa sa mga maghahalili sa kanila. Tayo ay naniniwala na hindi nakapaloob lamang sa Biblia ang mga huling kaalaman at pagpapahayag ng Diyos sa atin. Ito’y napapatunayan ng mga talatang II Timoteo 2:2 at II Tesalonica 2:15.



II Timoteo 2:2 (MBB)

Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ituro mo rin sa mga taong mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo naman sa iba.



II Tesalonica 2:15 (MBB)

Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo sa mga katotohanang itinuro namin sa inyo, batay sa sinabi at isinulat namin.





Natapos na po ang ating mga series ng post na pinamagatang “MGA PANINIWALANG PROTESTANTE (isang pagsusuri sa Biblia)”. Sa susunod na mga post ay tatalakayin natin ang seryeng “SI JESU-CRISTO BA AY TUNAY NA DIYOS? (isang pagsusuri sa Biblia)”. Nawa’y pagpalain tayong lahat ng Maykapal.

Wednesday, February 3, 2016

MGA PANINIWALANG PROTESTANTE
(Isang pagsusuri sa Biblia)

Part 2 – Ang kaligtasan ba ay matatamo sa pananampalataya lamang? [Sola Fide Part 2]



Sa aking nakaraang post, tinalakay natin na taliwas sa paniniwala ng mga kaibigan nating mga Protestante na ang isang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya lamang, tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang kaligtasan ay naibigay sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Diyos, at ang pagtanggap natin sa biyayang ito ay kailangang may kalakip na pananampalataya at paggawa ng mabubuting mga gawa.

Sa post na ito, tatalakayin natin ang ilan sa mga patunay na mga talata ng ilan sa ating mga kaibigang Protestante tungkol sa kanilang paniniwala na ang kaligtasan ay matatamo sa pananampalataya lamang, at ang mga tugon nating mga Katoliko kung bakit mali ang kanilang interpretasyon sa mga talata.

Ang mga sumusunod na talata ay ang mga kadalasang ginagamit na katunayan ng mga kapatid nating mga Protestante na ang pananampalataya lamang, at walang gawa, ang makapagliligtas sa isang tao:

Efeso 2:8-9 (Ang Biblia)
8 Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; 9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.

Roma 3:28 (Ang Biblia)
Kaya nga maipasisiya natin na ang tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.

Galatia 2:16 (Ang Biblia)
Bagama't naaalaman na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa mga gawang ayon sa kautusan, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi dahil sa mga gawang ayon sa kautusan: sapagka't sa mga gawang ayon sa kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinomang laman.

Bago natin talakayin ang mga nasabing mga talata, ipapakilala ko muna sa inyo si Apostol San Pablo. Si San Pablo (o Saulo sa kaniyang pangalang Judio) ay ang Apostol sa mga Gentil (Gawa 9:15) na naglakbay sa iba’t ibang mga bansa upang ipalaganap ang ebanghelyo ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kaniyang mga paglalakbay ay sumulat siya sa iba’t ibang mga iglesia at sa mga taong kamanggagawa niya. Ang mga sulat na ito ay naging bahagi ng panuntunan ng bagong tipan na nakatipon sa Biblia. Kung ating papansinin, ang mga talata kung saan pinapatunayan di umano na nasa Biblia ang aral na ang kaligtasan ay matatamo sa pamamagitan ng tanging pananampalataya lamang ay matatagpuan sa mga sulat ni Apostol San Pablo.

Ano ang isa sa mga mga naging pinakamalaking isyu ni Apostol San Pablo sa kaniyang ministeryo sa mga Gentil? Ito ay ang pagsasama ng mga Judio at ng mga Gentil sa iglesia. Ang isang Gentil, sa pinakamalawak na paglalarawan, ay isang taong hindi Judio. Ang isang Judio ay ang naunang bayan ng ating Panginoong Diyos, na silang binigyan ng isang tipan kapalit ng pagsunod nila sa mga utos ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagsusulat ni Moises. Sa panahong lumalaganap na ang ebanghelyo sa mga Gentil, idineklara ng Diyos na ang mga Gentil, bagamat hindi nila sinunod ang mga kautusan ni Moises, ay kasama na sa pagsasakop ng kaniyang bagong tipan: ginawa na niyang kabilang sa kaniyang iglesia ang mga Gentil. Ngunit sa pangyayaring ito, mayroong mga tutol na Judio na nagsasabi na kailangang magpatuli at sundin ang mga kautusan ni Moises bago maging mga Kristiyano at maligtas (Gawa 15:5). Ang naging pasya? Ipinagpasiya sa malaking pagpupulong sa Jerusalem (Gawa 15:6-21) na hindi na kailangang sumunod ng mga Gentil sa mga kaugaliang Judio katulad ng pagtutuli at pagsunod sa mga kautusan ni Moises. Bagamat madami sa mga Judio ang umusig sa pasyang ito ng iglesia, ito ay nanaig at nalalaman natin na halos lahat ng mga Kristiyano ngayon ay, kung tutuusin, mga Gentil.

Ano ang kahalagahan nito sa mga talatang nagpapatunay di-umano na ang pananampalataya ay sapat na upang maligtas? Sapagkat, kung ating babasahin ang mga talatang sinabi natin kanina nang wala sa konteksto, talagang aakalain natin na ang mga “gawa” o “works” sa ingles ay ang mga mabubuting gawa. Ngunit, kung titignan natin ang konteksto kung bakit sinabi ito ni Apostol San Pablo, malalaman natin na ang mga sinasabi niya dito ay tungkol sa mga “gawa ng kautusan” o ang mga gawa kung saan nakilala ang mga Judio. Para sa mga Judio, ang mga “gawa ng kautusan” ang siyang mga nagpapanatili sa kanila sa kanilang tipan na galing sa Panginoong Diyos. Kung hindi ka gumawa ng mga “gawa ng kautusan” (halimbawa, pagoobserba ng Sabbath, pagkain ng mga maruruming pagkain, pagpapatuli) hindi ka na kabilang sa mga Judio at ang masaklap pa dito, maaari kang ipapatay nang naaayon sa kautusan. Nalalaman din natin na ang mga Gentil, bagamat wala sa kanila ang kautusan, ay ginawa silang karapat-dapat sa harap ng Diyos (Roma 2:14-15). Ang maling pagiisip ng mga Judio, kailangan pang maging Judio din ng mga Gentil upang masakop sila sa pagliligtas sa pamamagitan ng pagkamatay ni Jesus.

Suriin natin ang mga talata. Sa Efeso 2:8-9, sinasabi na ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo ay nang dahil sa pananampalataya at hindi sa kung ano ang ginawa ng sinuman. Ngunit kung susuriin natin, sa mga talatang Efeso 2:11-22, ang paksa na tinutukoy ay ang pagiging isa ng mga Gentil at ng mga Judio sa isang katawan ni Cristo, na inalis ang mga kautusan upang pag-isahin sila sa isang iglesia. Sa Roma 3:28 naman, tinutukoy na sa pananampalataya tayo ay nagiging marapat, taliwas sa paniniwalang Judio na kailangang sundin ang mga kautusan ni Moises upang tayo ay maging marapat. Sa Galatia 2:16, mapapansin naman natin dito na pinupuna ni Apostol San Pablo na tayong lahat ay pinapawalang sala at tinatanggap sa loob ng iglesia sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtanggap sa biyaya ng Diyos, at hindi din naman sa pagsunod sa mga kautusan ng mga Judio. Makikita din natin na sa Galatia 2:11-14, pinupuna ni Apostol San Pablo ang mga ginawa ni San Pedro na nagpapakita na hindi siya totoo sa kaniyang ginagawa. Sabi nga ni Apostol Pablo, "Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?"

Marapat lamang natin dapat bigyan ng kaibahan ang mga “gawa ng kautusan” at ang mga “mabubuting gawa” na kailangan upang tayo ay patuloy na maligtas. Ang biyaya ng Diyos noong una tayong makatanggap nito ay isang libreng biyaya, sapagkat wala tayong ginawang anuman para makamtan ang biyayang ito, taliwas sa paniniwalang Judio na kailangan munang sundin ang mga gawa ng kautusan bago tayo maligtas. Ngunit, sa pagtanggap natin ng biyayang ito, sa patuloy nating paglakad sa buhay na ito kasama ang ating Diyos, kailangan pa din ng mga mabubuting mga gawa upang mapatunayan natin sa ating Diyos na tayo ay karapat-dapat na mamuhay sa ilalim ng kaniyang pakikipag-kaibigan. Ayon nga din mismo kay Apostol San Pablo:

Roma 6:1-4 (MBB)
1 Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? 2 Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? 3 Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? 4 Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.

Roma 2:6-10 (MBB)
6 Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. 7 Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. 8 Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. 9 Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego. 10 Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego 11 sapagkat walang itinatangi ang Diyos.