Hanapin sa Blog na ito:

Saturday, April 16, 2016

Bakit nagdarasal sa mga Santo ang mga Katoliko?

Bakit nagdarasal sa mga Santo ang mga Katoliko?




Tayong mga Katoliko ay naniniwala na ang mga Santo ang silang mga taong lumakad ng tuwid na naaayon sa Diyos; sila ay tinuturing natin na ating mga kapatid kay Cristo. Kung gayon, tayo ay humihingi palagi ng kanilang pakikipamagitan para madala ang ating mga panalangin sa Diyos. Bagamat matagal na itong gawain ng mga sinaunang mga Kristiyano (at patuloy na ginagawa ng mga kapatid natin na kabilang sa Eastern Orthodox), ang gawaing ito ay tinutuligsa ng ating mga kapatid na Protestante.

Bakit hindi diretso sa Diyos?

Ang ilan sa mga paratang nila ay bakit hindi nalang daw diretso sa Diyos ang ating pagdarasal. Kadalasan nilang banggitin ang talatang 1 Timoteo 2:5, na kung saan nakasaad na tanging si Jesu-Cristo lamang ang taong tagapamagitan sa atin at sa Diyos. Sabi nila, nilalabag natin ang kalagayan ni Jesu-Cristo bilang tanging tagapamagitan sa tuwing tayo ay nagdarasal sa mga Santo. Ngunit hindi ba naaayon sa gusto ng Diyos na ipagdasal o ipanalangin natin ang ibang tao? Masama ba na isama natin ang mga hinaing ng mga ibang tao sa ating mga mga panalangin? 
 
Sa pagdarasal sa mga Santo, hindi natin nilalabag ang utos ng Diyos na si Jesu-Cristo ang tanging tagapamagitan. Sa katunayan, tayong lahat ay dapat magdasal ng diretso sa kaniya. Gayunpaman, hindi nito ibig sabihin na bawal na ang pagdarasal sa ibang tao upang humingi ng tulong. Sa tuwing naririnig natin ang mga Katoliko na nagdarasal kay Maria o sa mga Santo at sinasabing “Ipanalangin mo kami”, mas lalo nating naiintindihan na ang pagdarasal sa kanila ay hindi para sambahin sila, ngunit para idulog na isama sa mga panalangin nila ang mga dulog natin. Nakasulat din naman sa 1 Timoteo 2:1-4 (MB2005) ang sumusunod: “1 Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. 2 Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. 3 Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito.” Kasama sa mga hiling ni Apostol San Pablo sa kaniyang mga sinusulatan na isama din natin sa ating mga panalangin ang ibang tao, at ito’y kalugud-lugod sa Diyos.

Si Cristo ang tanging tagapamagitan

Paano naman ang pagiging tanging tagapamagitan ni Cristo? Dapat nating linawin na si Jesu-Cristo, sa kaniyang tungkulin bilang tagapamagitan, ay katangi-tangi sapagkat siya lamang ang totoong tao at totoong Diyos. Siya ang naglapit ng tao sa Diyos upang magkaroon ng walang hanggang kasunduan sa pagitan ng dalawa. Ngunit hindi nito ibig sabihin nito na sa kaniya lang tayo maaaring humingi ng pakikipamagitan. Nalalaman natin sa konteksto: sa 1 Timoteo 2:1-3, sinasabi na idalangin natin ang ibang mga tao (sa pagkakataong ito, mga may kapangyarihan) at ito’y kalugud-lugod sa Diyos. Bakit ito kalugud-lugod? Sa talatang 3, sinasabi na ibig ng Diyos na ang lahat ng tao ay maligtas. Paano ito? Sa talatang 4 naman, inihayag na si Cristo ang tanging tagapamagitan. Sa kasunod na talata (5), sinasabi na inihandog niya ang kaniyang buhay upang ang lahat ng tao ay matubos sa kanilang mga kasalanan. Ano ang masasabi natin dito? Mapapansin natin na ang gawain na pagdarasal para sa kapakanan ng iba ay isang gawain upang magtulungan ang lahat ng tao na maligtas at magkaroon ng saysay sa ating buhay ang sakripisyo ni Jesu-Cristo sa kaniyang pagtatatag ng bagong tipan sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan sa krus.

Ano ang mabuti sa pagdarasal natin sa mga Santo?

Bakit nga ba tayo nagdarasal sa kanila? Mapapansin natin na nakasulat sa Bibliya na ang pagdarasal para sa bawat tao ay isang gawaing Kristiyano, katulad ng nasabing talata sa 1 Timoteo 2:1-4. Marami pang ibang pagkakataon na nakasulat sa Bibliya ang paghihikayat ng pagdarasal para sa ibang tao, katulad sa mga sulat ni Apostol San Pablo kung saan hinihiling niya na ipanalangin siya ng kaniyang mga sinusulatan (mga halimbawa, sa Roma 15:30-32, Efeso 6:18-20, Colosas 4:3, 1 Tesalonica 5:25, 2 Tesalonica 3:1). Minsan naman si Apostol San Pablo naman ang nangangakong ipagpapanalangin niya ang kaniyang mga sinusulatan, gaya ng nakasulat sa 2 Tesalonica 1:11. Lalong lalo na, si Jesu-Cristo mismo ang nagsabi na ipanalangin natin ang ibang tao kahit na hindi naman nila ito hinihiling sa atin.
Samakatuwid, malinaw para sa atin na ang pagdarasal natin sa kanila ay parang paghiling na tayo ay ipanalangin nila. Makikita din natin sa Banal na Kasulatan na “ipagtapat [natin] sa [ating] mga kapatid ang [ating] mga kasalanan at ipanalangin [natin] ang isa't isa, upang [tayo'y] gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid” [Santiago 5:16 MBB05]. Ang mga Santo, bilang mga itinuring na mga taong matutuwid ng Simbahan, ay siyang mga dapat tularan at gayahin, at isang napakagandang bagay na tayo ay dumulog sa kanila upang ang ating mga panalangin ay maidulog sa Diyos. Sa kanilang pakikipamagitan, mas magiging epektibo ang ating mga dalangin sa Diyos at naipapakita natin sa Diyos na sa ating pananalangin, inaalalala natin ang mga nagawa ng ibang tao, ng mga Santo, upang mapakita natin ang katapatan natin sa ating panalangin.

Source: The Essential Catholic Survival Guide by Catholic Answers

Saturday, April 2, 2016

Ipinagbabawal ba ng Diyos ang paggawa ng mga imahen o rebulto?

Ipinagbabawal ba ng Diyos ang paggawa ng mga imahen o rebulto?


Isa sa mga pinakamadalas na paratang ng mga kaibayo natin sa pananampalataya ay ang pagsamba di umano sa mga rebulto ng mga Katoliko. Sabi nila, nilalabag daw ng mga Katoliko ang kautusan ng Diyos nang sabihin niya na “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos” ‭‭[Exodo‬ ‭20:4-5‬a ‭RTPV05‬‬]. Nang dahil ba sa kautusang ito ay ipinagbabawal na ng Diyos ang paggawa ng mga rebulto?

Tayong mga Katoliko ay naniniwala din na isang malaking kasalanan sa Diyos ang “idolatry” o idolatriya, na siyang inilarawan ng Catholic Encyclopedia na “banal na pagsamba na ibinibigay sa isang imahen/larawan na ibinibigay sa lahat maliban sa tunay na Diyos.” Ang ibang mga kaibayo natin sa pananampalataya, sa pagpansin nila sa mga rebulto sa ating mga simbahan, ay pinaparatangan tayo na tayo daw ay lumalabag sa kasalanan ng idolatriya sapagkat nagkaroon tayo ng mga niluluhuran, tinitignan, at hinahawakang mga imahen ng mga iba’t ibang mga banal na tao katulad ng mga santo maging ang paggawa ng rebulto ng ating Panginoong Jesus Cristo. Ang ating tungkulin bilang mga Katoliko ay ang ipaliwanag sa kanila ng maayos kung bakit una, katanggap-tanggap ang paggawa ng mga rebulto ni Jesus at ng mga santo at pangalawa, kung bakit hindi ito maituturing na idolatriya.

IPINAG-UTOS NG DIYOS NA GAWIN ANG MGA REBULTO
Ang mga tao na tumutuligsa sa paggamit ng mga rebulto ng mga Katoliko ay madalas nakakalimutan ang mga pagkakataon na ipinag-utos mismo ng ating Diyos na gumawa ng mga ito. Halimbawa, nang ang Kaban ng Tipan (Ark of the Covenant) ay ipinag-uutos ng Diyos na likhain ni Moises, sinabi niya na “Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa.” [Exodo‬ ‭25:18-20‬ ‭RTPV05‬‬]. Isa pang pagkakataon na mayroong mga “inanyuang mga bagay” na ipinagutos na gawin para sa Panginoon ay nang ibinigay ni Haring David kay Solomon ang plano para sa pagpapagawa ng templo: “Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto para sa altar na sunugan ng insenso, pati ang plano at gintong gagamitin sa karwahe ng mga kerubin na ang mga pakpak ay tumatakip sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sinabi ni David, “Ang lahat ng ito ay nasa plano na ginawa ayon sa utos ni Yahweh at siyang kailangang isagawa.” [1 Mga Cronica‬ ‭28:18-19‬ ‭RTPV05‬‬]. Isa din sa katangian ng templo sa Jerusalem “...ay balot ng tablang kasintaas ng pinto at may ukit na larawan ng palmera at kerubin; salitan ang larawan ng palmera at kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha:” [Ezekiel‬ ‭41:17-18‬ ‭RTPV05‬‬]. Ano ang ibig sabihin ng mga nasabing mga talata? Nasa kalooban ng Diyos ang paggawa ng mga rebulto kung ito ay itinuring na hindi Diyos. Ang kautusang “Huwag gumawa ng imahen” ay kaugnay ng naunang kautusan na ““Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin” [Exodo‬ ‭20:3‬ ‭RTPV05‬‬], kaya tayong mga Katoliko, sa tuwing inilalahad sa atin ang sampung utos, ang mga kautusan na “huwag sasamba sa mga ibang diyos” at “huwag gagawa ng imahen” ay nakapaloob lamang sa ikalawang kautusan.

ANG TAMANG PAGGAMIT NG MGA IMAHEN
Noong ang salot ng mga ahas ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita bilang kaparusahan, sinabi ng Diyos kay Moises na “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang mahabang kahoy. Sinumang natuklaw ng ahas at tumingin doon ay hindi mamamatay.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya lahat ng natuklaw ng ahas ay tumitingin sa ahas na tanso at hindi nga namamatay.” [Mga Bilang‬ ‭21:8-9‬ ‭RTPV05‬‬]. Ano ang kabuluhan nito? Ang mga tao ay kailangang “tumingin” sa tansong rebulto ng ahas upang gumaling. Ipinapakita nito na ang mga rebulto ay maaaring gamitin para sa mga relihiyosong mga bagay, dahil sa pagkakataong ito ang Diyos ay nagpapagaling ng mga maysakit sa pamamagitan ng “pagtingin sa tansong ahas”. Ang mga Katoliko ay gumagamit ng mga rebulto, mga larawan, at iba pang mga bagay upang maalala ang isang tao o ang bagay na kumakatawan dito. Tulad ng mga pagkakataon na tayo, sa pagaalaala natin sa mga namayapa na nating mga mahal sa buhay, ay gumagamit ng mga larawan upang mas maramdaman natin ang alaala ng taong iyon. Sa paghahalintulad, ganito din ang gamit ng mga rebulto ng mga santo upang maalala ang mga katangian nila at maaaring makatulong sa pag-aaral sa kanilang mga nagawa na ukol sa Diyos. Ipinagbabawal ng Diyos ang “pagsamba sa mga larawan na ito”, ngunit hindi niya ipinagbawal ang paggawa ng mga nasabing mga larawan, na nailarawan na natin sa iba’t ibang halimbawa mula sa Bibliya. Kapag ang mga nasabing mga rebulto o imahen ay itinuring nang parang isang diyos, dito pa lamang magkakaroon ng kasalanan ng idolatriya. Ang halimbawa nito ay nang “dinurog din niya (ni Haring Ezequias) ang tansong ahas na ginawa ni Moises na kung tawagin ay Nehustan sapagkat hanggang sa panahong iyon ay pinagsusunugan pa nila ito ng insenso” [‭‭2 Mga Hari‬ ‭18:4b‬ ‭RTPV05‬‬]. Ano ang mali dito? Binigyan nila ng pangalan ang tansong ahas na Nehustan at pinagsunugan ng insenso, na nagpapahiwatig na itinuring ng mga tao na ang tansong ahas mismo ang may kapangyarihan.


Mga reprerensiya:
"The Essential Catholic Survival Guide" by the staff at Catholic Answers
Catholic Encyclopedia